WASHINGTON/JERUSALEM/CAIRO — Sinabi ni US President Donald Trump na maaaring tapusin ng Estados Unidos ang mga operasyong militar laban sa Iran sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, kahit walang kasunduang diplomatiko, habang pumapasok na sa ikalimang linggo ang digmaan.
“We’ll be leaving very soon,” ani Trump sa mga mamamahayag sa White House, at sinabing maaaring mangyari ang pag-alis “within two weeks, maybe two weeks, maybe three.”
Tinanong kung kinakailangan ang kasunduan upang tapusin ang digmaan, sinabi niyang: “Iran doesn’t have to make a deal, no,” at idinagdag, “No, they don’t have to make a deal with me.”
Ayon sa White House, magbibigay ng pahayag si Trump upang i-update ang publiko sa digmaan na ikinamatay na ng libu-libo, nakaapekto sa suplay ng enerhiya, at nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang ekonomiya.
Sinabi naman ni US Defense Secretary Pete Hegseth na nagpapatuloy ang usapan sa Iran ngunit handa ang Washington na ipagpatuloy ang operasyon kung hindi susunod ang Tehran sa mga hinihingi ng US, kabilang ang pagtigil sa uranium enrichment at pagbubukas muli ng Strait of Hormuz.
“We have more and more options, and they have less … in only one month we set the terms, the upcoming days will be decisive,” ani Hegseth.
Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, may natatanggap silang mensahe mula sa US envoy ngunit hindi pa ito maituturing na pormal na negosasyon.
Samantala, nagbanta ang Iran’s Revolutionary Guards laban sa mga kumpanyang may kaugnayan sa US sa rehiyon, kabilang ang Microsoft, Google, Apple, Intel, IBM, Tesla, at Boeing.
“They don’t have much left to threaten,” ani Trump hinggil sa naturang banta.
Lumawak na rin ang labanan sa rehiyon, kabilang ang panibagong karahasan sa Lebanon kung saan pitong katao ang nasawi at 24 ang nasugatan sa mga airstrike sa Beirut.
Nanawagan ang China at Pakistan ng agarang tigil-putukan, habang lumilitaw ang pagkakahati ng ilang kaalyado ng US, lalo na sa Europa, kaugnay ng operasyon militar.
Nagsisimula na ring maramdaman ang epekto ng digmaan sa pandaigdigang enerhiya, matapos lumampas sa $4 kada galon ang presyo ng gasolina sa US—pinakamataas sa mahigit tatlong taon—habang lumalabas sa survey ng Reuters/Ipsos na dalawang-katlo ng mga Amerikano ang nais nang wakasan ang pakikilahok ng US sa digmaan sa lalong madaling panahon. RNT