Home NATIONWIDE US military naghahanda sa posibleng weeks-long operation sa Iran

US military naghahanda sa posibleng weeks-long operation sa Iran

232
0

WASHINGTON, United States — Naghahanda ang militar ng Estados Unidos sa posibilidad ng tuluy-tuloy at maaaring tumagal ng ilang linggong operasyon laban sa Iran sakaling mag-utos ng pag-atake si US President Donald Trump, ayon sa dalawang opisyal ng US na nakausap ng Reuters.

Ayon sa mga opisyal na humiling ng anonymity, mas malawak at seryoso ang maaaring maging labanan kumpara sa mga naunang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasabay nito, magpupulong sa Geneva sa Martes ang US envoys na sina Steve Witkoff at Jared Kushner at mga kinatawan ng Iran, sa pamamagitan ng Oman bilang tagapamagitan. Sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na mas nais ni Trump ang diplomatic deal ngunit aminado itong “napakahirap” makamit.

Samantala, pinalalakas na ng US ang presensya militar nito sa rehiyon. Kinumpirma ng mga opisyal na magpapadala ang Pentagon ng karagdagang aircraft carrier sa Middle East, kasama ang libo-libong tropa, fighter aircraft, guided-missile destroyers at iba pang kagamitang pandigma.

Sa talumpati ni Trump sa mga sundalo sa North Carolina, binanggit niya ang posibilidad ng regime change sa Iran at sinabing “mukhang iyon ang pinakamagandang mangyari.” Hindi niya tinukoy kung sino ang maaaring pumalit sa pamunuan ng Iran.

Matagal nang ipinapahayag ni Trump ang pag-aalinlangan sa pagpapadala ng ground troops sa Iran. Ayon sa kanya, “ang huling gusto mo ay magpadala ng ground forces.” Sa ngayon, nakatuon ang preparasyon sa air at naval strikes.

Tumanggi ang Pentagon na magkomento, habang sinabi ng White House na “nasa mesa ang lahat ng opsyon” kaugnay sa Iran.

Noong nakaraang taon, nagpadala rin ang US ng dalawang aircraft carrier sa rehiyon at nagsagawa ng “Midnight Hammer” operation laban sa mga nuclear site ng Iran. Tumugon ang Iran sa pamamagitan ng limitadong pag-atake sa isang base ng US sa Qatar.

Patuloy na binabantayan ng mundo ang tensyon, habang nakasalalay sa negosasyon kung maiiwasan ang mas malawak na sigalot sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here