Home NATIONWIDE US, muling umatake at nagpatupad ng naval blockade vs Iran

US, muling umatake at nagpatupad ng naval blockade vs Iran

1
0

WASHINGTON – Muling nagsagawa ng pag-atake ang United States laban sa Iran sa ikaapat na sunod na araw nitong Martes at ibinalik ang naval blockade na nagbabawal sa mga barkong pumasok o lumabas sa mga pantalan ng bansa.

Ayon sa US Central Command, target ng pinakahuling mga pag-atake ang kakayahan ng Iran na ginagamit sa pag-atake sa mga commercial vessel sa Strait of Hormuz, kung saan ilang sibilyang barko na ang tinarget ng Tehran.

Ipinatupad ang blockade dakong alas-8 ng gabi GMT, isang oras matapos magsimula ang US strikes. Sinabi ng isang senior Iranian official na winasak ng hakbang ang kasunduan sa Washington na pansamantalang itigil ang labanan upang makapagsagawa ng peace talks.

Nauna nang sinabi ng Iran na tinamaan ng US strikes ang Qeshm Island sa Strait of Hormuz. Iniulat din ng mga lokal na awtoridad ang pag-atake sa apat na lugar sa Bushehr, kung saan matatagpuan ang tanging civilian nuclear power plant ng Iran, at sa isang border area malapit sa Iraq at Kuwait.

Samantala, sinalakay ng Iran ang dalawang barko sa strait, na ikinasawi ng dalawang tripulante, ayon sa International Maritime Organization.

Tinamaan din ng pagsabog mula sa hindi pa matukoy na aparato ang isang Norwegian tanker sa karagatan malapit sa Oman. Sinabi naman ng Kuwait na tinamaan ang isa nitong naval vessel sa missile at drone attack ng Iran, na ikinasugat ng apat na tripulante.

Kasabay nito, binawi ni US President Donald Trump ang planong magpataw ng 20-percent levy sa mga barkong dadaan sa Strait of Hormuz matapos umanong pumayag ang mga bansang Gulf sa malalaking trade at investment deals sa United States.

“I have decided to replace the 20% United States Reimbursement Fee with Trade and Investment Deals that the various Gulf States will be making into the United States,” pahayag ni Trump sa Truth Social.

Hindi bababa sa 28 katao ang namatay sa Iran mula nang ipagpatuloy ng US ang mga pag-atake noong nakaraang linggo, batay sa tala ng AFP mula sa Iranian media at official announcements.

Sinabi rin ng Iran’s Revolutionary Guards na nagpakawala sila ng mga missile at drone laban sa Bahrain, na tumarget sa mga pasilidad at isang residential building na ginagamit ng US forces.

Ayon sa Bahrain, naharang nito ang “several treacherous aerial attacks launched by Iran” at inakusahan ang Tehran ng pagtarget sa mga sibilyan.

Sinimulang harangan ng Iran ang strait matapos ang US-Israel attacks noong Pebrero. Nagpatupad naman ang Washington ng unang blockade laban sa mga pantalan ng Iran mula kalagitnaan ng Abril hanggang kalagitnaan ng Hunyo.

Sinabi rin ng Jordan na pinabagsak nito ang apat na missile mula sa Iran nitong Martes. Ayon sa Iran’s Revolutionary Guards, tinarget ng mga pag-atake ang US forces sa isang air base at hinikayat ang mga Jordanian na igiit ang pagpapaalis sa mga base ng Amerika.

Iginiit ng Iran na mga interes lamang ng US ang target nito, ngunit nagbabala na ang pakikipagtulungan ng mga bansang Gulf sa Washington ay ituturing na “an act of war.”

Nagbabala rin si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu laban sa anumang pag-atake ng Iran sa Israel.

“Do not count on things remaining quiet if you attack us,” ani Netanyahu.

“The days are over when someone strikes us and we don’t hit back with a decisive blow.” Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here