Home OPINION USAPING DISCOUNT NG SENIOR CITIZEN, PWD AT STUDENT AT PROMO FARE

USAPING DISCOUNT NG SENIOR CITIZEN, PWD AT STUDENT AT PROMO FARE

2
0

NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na dapat ibigay ang mandatoryong 20 porsyentong diskwento sa mga senior citizen. Gayundin, may nakatakdang diskwento para sa mga persons with disabilities at mga estudyante.

Pero paano kung ang isang pampublikong transportasyon ay mag-alok ng promo fare, halimbawa sa panahon ng Undas, Pasko, o mga public holiday? Dapat pa rin bang ibawas ang kaukulang diskwento sa promo fare?

Sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Orville Ong vs. Paul Alcazaren, et al. (G.R. No. E-00464, October 14, 202-), nakasaad na hindi maaaring ipatong o pagsamahin ng mga senior citizen ang mandatoryong 20 porsyentong diskwento sa umiiral nang promotional rate o group-negotiated rate.

Ibig sabihin, kailangang pumili kung alin ang kanilang gagamitin: ang diskwento o ang promo rate.

May paggalang sa Korte Suprema, ngunit nararapat na linawin kung ang nasabing desisyon ay para lamang sa umiiral na promotional rate o group-negotiated rate at hindi sa mga promo na bukas sa lahat ng pasahero.

Posibleng maabuso ito ng ilang negosyo na nag-aalok ng mga promo package ngunit hindi nagbibigay ng karagdagang diskwento sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Dapat ding linawin kung kinakailangang aprubahan ng Department of Trade and Industry ang mga naturang promo bago ipatupad.

Sa pampublikong transportasyon, regulated ng LTFRB ang pamasahe. May kaukulang parusa sa overcharging o undercharging. Kaya nararapat lamang na malinaw kung kailangan ding aprubahan ng LTFRB ang promo fare sa land public transport.

Dahil mandatoryo ang mga diskwento, dapat malinaw kung kailan at paano ito ipatutupad, lalo na kung may promo fare na ipinagkakaloob sa mga pasahero.

Anoman ang sitwasyon, inaasahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na magbigay ng malinaw na gabay ang Korte Suprema hinggil sa usaping ito upang maiwasan ang kalituhan, maling interpretasyon, at posibleng pagsasamantala sa mga pasahero, lalo na sa mga sektor na binibigyan ng espesyal na proteksyon ng batas.

====================

Atty. Ariel Inton, Jr.

Founder/President

Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09178174748

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here