COTABATO, Philippines – Todas ang nakababatang kapatid ni Mayor Duma Mascud ng bayan ng Kadayangan, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Special Geographic Area (SGA) habang sugatan ang kanyang asawa matapos silang ma-ambush ng mga armadong lalaki kahapon ng umaga, Hulyo 23, 2025.
Sinabi ni Police Lt. Col. Benhur Catcatan, hepe ng municipal police ng Midsayap, minamaneho ng biktimang si Dhen Mascud, 55, ang isang mini-van, sakay ang kanyang misis nang sila ay tambangan at paulanan ng bala ng mga lalaking nakamotorsiklo sa national highway sa Barangay Agriculture, alas-7:00 ng umaga.
Namatay noon din si Mascud sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ang kanyang misis na si Anisa, ay nagtamo rin ng mga tama ng bala at ngayo’y sumasailalim sa gamutan sa isang ospital sa Midsayap, sabi ni Catcatan.
Hindi pa matukoy ng pulisya kung sino ang mga salarin, maging ang motibo sa likod ng pag-atake.
Ang Kadayangan ay isa sa walong munisipalidad ng BARMM sa North Cotabato SGA na nabuo sa pamamagitan ng plebisito noong 2019.
Ang SGA ay nilikha sa pamamagitan ng pag-ukit ng 63 barangay mula sa mga munisipalidad ng Carmen, Kabacan, Pikit, Aleosan, Midsayap, at Pigcawayan.
Sa probinsiya ng Cagayan, tatlong lalaki ang bumuwal at dalawa ang nasugatan matapos ambusin ng mga armadong salarin ang kanilang sinasakyan sa national road sa Barangay Naddungan, bayan ng Gattaran nitong Miyerkules ng umaga, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ang isa sa mga napatay na si Kit Diaz ng La Purisima, Aliaga, Nueva Ecija.
Ang kanyang kapatid, na hindi pa inilalabas ang pangalan, at isa pang hindi kilalang lalaki ay namatay rin sa pag-atake, dakong alas-10:00 ng umaga.
Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang dalawang sugatang biktima na hindi rin agad nakilala ang mga pangalan.
Ayon sa inisyal na ulat, ang mga biktima ay sakay sa isang Chevrolet sport utility vehicle (TLW-188) nang sila ay harangin ng tatlong armadong lalaki na sakay sa asul na Hyundai Reina SUV.
Matapos paulanan ng bala ang sasakyan ng mga biktima, hinila ng mga salarin palabas ng SUV ang mga walang buhay na bangkay at iniwan sa kalsada.
Tumakas ang mga salarin, gamit ang sasakyan ng mga biktima, bilang isa sa kanilang getaway car, patungo sa hilaga ng Cagayan.
Isinusulat ito, naghahanap na ang mga imbestigador ng lead, kabilang ang posibleng pagkakasangkot ng isang dating pulis mula sa bayan ng Buguey na natukoy na isa sa peersons of interest.