MANILA, Philippines — Ang average na lebel ng tubig sa Laguna de Bay ay lumampas sa mga kritikal na antas nitong Huwebes, Hulyo 24, na naghudyat sa mga awtoridad na magbabala na ang pagbabalik sa normal na antas nito ay maaaring tumagal ng ilang buwan kahit na humina ang pag-ulan.
Sinabi ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na ang lebel ng tubig ng Laguna de Bay ay umabot sa 12.51 metro noong alas-10 ng umaga, na lumampas sa critical threshold na 12.50 metro.
Nagbabala ang LLDA sa panganib ng matinding pagbaha sa baybayin ng lawa at mabababang lugar dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng habagat.
“Based on technical assessment, once the lake exceeds its critical level, it may take several months for the water to recede to its normal level, even if rainfall decreases,” saad ng LLDA.
“This prolonged elevated water level significantly increases the risk of extended flooding and widespread damage, especially in vulnerable areas,” dagdag ng LLDA.
Nabatid din na ang weather pattern, pinatindi ng low pressure system, ay magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Laguna de Bay sa mga susunod na araw.
Dahil dito, hinimok ng LLDA ang mga kalapit na residente sa lakeshore at flood-prone areas “to prepare for possible evacuation and implement preventive measures to protect life and property.”
Ayon sa heavy rainfall outlook na inilabas alas-11 ng umaga ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Laguna ay inaasahang makakaranas ng malakas hanggang matinding (100 hanggang 200 millimeters) ng pag-ulan mula Huwebes hanggang Biyernes ng tanghali dahil sa habagat.
Samantala, isinailalim sa orange rainfall warning ang Laguna kaninang 2 p.m. Nangangahulugan ito na ang lugar ay maaaring makaranas sa pagitan ng 15 mm at 30 mm ng pag-ulan sa loob ng tatlong oras.
Sa kabilang banda, napanatili naman ng Bagyong Emong ang lakas nito, na nagtataglay ng maximum sustained wind speed na 120 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot sa 150 kph. Ito ay huling namataan sa layong 175 kilometro sa kanluran ng Dagupan City sa Pangasinan at halos nakatigil. RNT/MND