MANILA, Philippines – Nananatiling malakas ang Bagyong Uwan habang kumikilos ito pa-hilaga sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA nitong Martes ng madaling-araw.
Ayon sa ahensya, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 365 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan, sa labas ng PAR. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 km/h at bugso ng hanggang 150 km/h habang kumikilos pa-hilaga sa bilis na 15 km/h.
Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Abra, Kalinga, bahagi ng Mountain Province at Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at hilagang La Union.
Signal No. 1 naman sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, iba pang bahagi ng Benguet, Ifugao, nalalabing bahagi ng Mountain Province, nalalabing bahagi ng La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Laguna, northern at western bahagi ng Batangas (Tuy, Nasugbu, Lian, Calatagan, Balayan, Calaca, Laurel, Talisay, Lemery, Agoncillo, San Nicolas, City of Tanauan, Santo Tomas), Rizal, northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real) including Polillo Islands, at Lubang Islands.
Inaasahan ang malakas na pag-ulan na 50 hanggang 100 milimetro sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Benguet, at Abra.
“Forecast rainfall may be higher in mountainous and elevated areas. Moreover, impacts in some areas may be worsened by significant antecedent rainfall,” ayon sa PAGASA.
Posibleng muling pumasok sa PAR ang Uwan sa Miyerkules ng gabi bago tumama sa southwestern coast ng Taiwan, at humina bilang remnant low pagsapit ng Biyernes malapit sa Ryukyu Islands.
Nananatili rin ang babala ng malakas na alon sa mga baybayin ng Hilaga at Gitnang Luzon, at sa kanlurang bahagi ng Timog Luzon. RNT