MANILA, Philippines- Pormal na tinintahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Value Added Tax on Digital Services o ang Republic Act No. 12023 na nagpapataw bg 12% VAT sa mga non-resident digital service providers para makakuha ng dagdag na revenue o kita ang gobyerno.
Ginawa ang ceremonial signing ng Republic Act 12023 sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang.
”We are not imposing new taxes, we are simply strengthening the authority and streamlining the process of the BIR to collect value-added tax on digital services,” ang paglilinaw ng Pangulo sa naging talumpati nito.
”This includes digital media, digital music, digital video, video-on-demand, and digital advertising. Local businesses and international digital platforms now compete on equal terms. We no longer will be playing by different sets of rules,” aniya pa rin.
Ang VAT on digital services ay nakikita para ilebel ang larangan sa pagitan ng traditional businesses lalo na sa mga hindi magawang lumipat sa digital platform at ang nature ay hindi kayang lumipat sa digital platform at digital businesses.
Kabilang sa traditional businesses ay ang restaurants at retail stores, habang kabilang naman sa digital businesses ay ang Netflix, Google, at iba pang online marketplace.
Layon ng bagong nilagdaan batas ang palakasin at i-streamline ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para mangolekta ng VAT sa digital services sa pamamagitan ng pagbibigay ng hakbang kung paano ang digital service platforms ay makasusunod sa VAT requirements na ipinatutupad ng Tax Code.
Noong Hunyo, inaprubahan ng mga mambabatas ang pinagsamang bersyon ng House Bill 4122 at Senate Bill 2528 sa idinaos na bicameral conference.
Pinagsama ang bersyon ng mga batas na naglalayon na patawan ng 12% VAT ang digital transactions ng mga non-resident digital service providers.
Sa ulat, sa ilalim ng panukala ay papatawan ng 12 porsyentong VAT ang mga transaksyon na ginagawa ng mga Pilipino online mula sa mga nonresident digital service provider.
Aamyendahan nito ang ilang mga probisyon mula sa National Internal Revenue Code (NIRC) na magsasaayos ng pagkolekta ng buwis para mas lalong makatulong sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, gagawing patas ng panukala ang “playing field” para sa mga local at foreign digital service providers.
“Lahat ng negosyo, malaki man o maliit, ay nagbabayad ng buwis. Hindi naman yata makatarungan na ang mga higanteng negosyante na hindi naka-base sa Pilipinas pero kumikita ng malaki sa pagbenta ng kanilang mga serbisyo sa mga Pilipino ay hindi sakop ng parehas na buwis,” paliwanag ng senador.
Kabilang sa mga serbisyong lalagyan na ng buwis ay ang online search engine, online market place o e-market place, cloud services, online streaming at download media, pati na rin ang advertising.
Tinatayang P83.8 billion ang maibibigay na revenue sa Pilipinas ng panukala sa oras na maisabatas sa loob ng 2024 hanggang 2028.
Magugunitang inihain noong Enero ni Senator Sherwin Gatchalian, Committee on Ways and Means Chairman, ang naturang panukala kasama si Senator Pia Cayetano. Kris Jose