Home TOP STORIES Vendor kontrolado pa rin ang LTMS; LTO nangamba sa data breach

Vendor kontrolado pa rin ang LTMS; LTO nangamba sa data breach

1
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang Land Transportation Office (LTO) sa House Committee on Transportation na maaaring malagay sa panganib ang personal na impormasyon ng milyun-milyong lisensyadong motorista at may-ari ng sasakyan dahil hindi pa rin umano ganap na kontrolado ng ahensya ang pangunahing database system nito.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni LTO Executive Director Atty. Martin P. Ontog na lumabas sa isinagawang imbestigasyon sa nationwide outage ng Land Transportation Management System (LTMS) noong Hunyo 3 na may naitalang login activity noong Hunyo 2 gamit ang account na iniuugnay sa dayuhang vendor—ilang linggo matapos mapaso ang maintenance contract nito noong Mayo 13, 2026.

Ayon kay Ontog, nakita rin sa firewall logs ang paulit-ulit na pagtatangkang kumonekta sa system gamit ang isang VPN account na naka-geolocate sa Metro Manila. Nang iulat ito ng LTO sa Cybersecurity Bureau ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kinumpirma umano ng mga technical personnel na ang vendor pa rin ang may kontrol sa firewall ng LTMS, habang ang access ng mismong LTO sa back-end database ay limitado lamang sa pagtingin ng datos at hindi sa pangangasiwa nito.

Dahil dito, sinabi ng LTO na agad nitong dinisable ang mga natukoy na account at nagrekomenda ang Management Information Division ng agarang pagpapalit ng firewall upang ang buong kontrol sa sistema ay tuluyan nang mapunta sa pamahalaan.

Kaugnay nito ibinunyag din ng LTO na anim na magkakahiwalay na outage o matinding pagbagal ng LTMS ang naitala sa loob lamang ng pitong linggo—Hunyo 3, Hunyo 22, Hulyo 4 hanggang 10, Hulyo 16 hanggang 17, Hulyo 20, at Hulyo 21 hanggang 22.

Ayon sa ahensya, ang madalas na aberya ay tila naging normal na kondisyon ng sistema sa halip na paminsan-minsang insidente.

Sinabi rin ng LTO na ang pinakaunang nationwide outage ay nangyari isang araw matapos ipatigil ng Office of the Ombudsman ang paggamit ng hiwalay na backup platform ng ahensya, na matagal nang nagsisilbing alternatibong sistema ng LTO.

Samantala inamin din ng LTO sa Kongreso na wala itong nakalaang budget para sa cybersecurity ng LTMS, wala ring umiiral na kontrata para sa cloud infrastructure ng sistema, at wala ring kasunduang sumasaklaw sa monitoring, penetration testing, o agarang pagtugon sakaling magkaroon ng data breach.

Dagdag pa rito, sinabi ng LTO na mismong kinatawan umano ng vendor ang nagsabi sa pagdinig ng Kamara noong Pebrero na kinakailangan pa ng karagdagang ₱2 bilyon hanggang ₱2.5 bilyon upang maging ligtas ang LTMS laban sa cyber threats.

Kaugnay nito sinabi ni Ontog, kung makompromiso ang LTMS at kumalat ang personal na impormasyon ng milyun-milyong Pilipino, hindi dapat awtomatikong ang LTO ang sisihin dahil wala umano itong ganap na kontrol sa sistemang dapat nitong pinangangalagaan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here