MANILA, Philippines – PORMAL na naghain ng kaso sa Regional Trial Court (RTC) ang nasa labimpitong konsehal na miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila laban sa kasalukuyang administrasyon na pinamumunuan ni Vice Mayor at Presiding Officer John Marvin “Yul” Servo-Nieto kasama ang nagsisilbing Majority at Minority floor leader gayundin ang iba pang mga kasapi nilang konsehal patungkol sa naganap na “secret session” noong Hulyo 23, 2024.
Ayon sa nagsilbing tagapagsalita ng labimpitong konsehal na si 4th District Councilor Joel T. Villanueva, layon ng kanilang pagsasampa ng kaso sa RTC Branch 1 laban kina VM Yul Servo, Majority Floor Leader 3rd Dist. Councilor Ernesto “Jong” Isip Jr., Minority Floor Leader 6th Dist. Councilor Salvador Philip Lacuna at labing-siyam pa na konsehal na kaanib sa mayorya na magkaroon ng agarang resolusyon gaya ng pagdedetermina kung tama ba ang isinagawang sesyon noong Hulyo 23, 2024 kung saan naka-recess umano ang konseho.
Ayon kay Villanueva, sa nasabing petsa ay may deklarasyon ang Malacañang at ang Manila City Hall na wala nang pasok bunsod umano ng pananalasa ng bagyong Carina ngunit nagawa pa rin umano ng grupo nila VM Yul Servo na magkaroon ng sesyon ng walang abiso o “notice” sa kanilang grupo.
Aniya, sa naganap na sesyon ay kitang-kita ang kanilang motibo dahil ang una umano nilang tinalakay ay ang “re-organization” o pagtanggal sa mga hawak nilang mga komite.
“Habang rumaragasa ang bagyong Carina ng araw na iyon ay nakuha pang unahin ng mga nasbaing “respondents” na sina Vice Mayor at mga councilors ang ganitong usapin at ang pag-transfer ng pondo ng City Council na nagkakahalaga ng mahigit P83 milyon sa tanggapan ng Alkalde ng lungsod,” paliwanag ni Villanueva.
Giit ni Villanueva, wala na umano silang matakbuhan na tamang forum dahil lagi na lamang umanong nagagamit ang higit na bilang ng mayorya kaya’t minarapat na niumano nila itong dalhin ang nasabing usapin sa korte upang magkaroon na umano sila ng kapanatagan ng loob.
“Kaya kami nagsama-sama ngayon dahil wala na kami matakbuhan, hindi na kami pinakikinggan sa loob ng konseho and they are always using the numbers. Sila raw ang maraming numero kaya parang we are helpless kaya naniniwala kami na sa korte na lamang ito upang maresolba,” ani Villanueva.
“Gusto naming agaran na magkaroon ng TRO na sabihan at itigil muna ang isinasagawang sesyon hanggang sa maresolba kung tama ba o mali ang ginawa nilang sesyon na yun. And we are praying for the nullification ng secret session base sa sinasabi naming iligal ito sapagkat walang due process at wala po notice na natanggap ang aming grupo,” dagdag pa ni Villanueva.
Ang labimpitong konsehal na pinamumunuan ni Councilor Villanueva ay ang mga konsehal na umanib sa dating alkalde ng lungsod ng Maynila at planong muling bumalik at manungkulan muli bilang Mayor ng kabisera ng bansa na si Yorme Isko Moreno Domagoso. JAY Reyes