MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Lunes, Hunyo 30, na hindi siya tatakbo sa kahit anong pwesto sa 2028 polls.
“2028, hindi ako tatakbo. Ngayon pa lang sinasabi ko na sa inyo. Kaya malaya akong gawin kung anong tingin ko ang tama,” sinabi ni Sotto sa kanyang inaugural address.
Aniya, ang kanyang maagang anunsyo ay nagpapalaya sa kanya mula sa political pressure at matutukan ang kanyang mandato sa huling termino.
Si Sotto ay nasa ikatlong termino na bilang alkalde.
“Hindi ninyo masasabi na may bahid ng politika. At ‘yung hindi ko masabi noong campaign period, ngayon pwede ko na pong sabihin, sa lahat ng aming katunggali, we extend a hand of peace, we extend a hand of unity. Kung maaari, magtulungan tayo para sa ikagaganda ng ating lungsod.”
Sa kabila nito, nilinaw ni Sotto na ang panawagan ng pagkakaisa ay hindi nangangahulugan na kukunsintihin ang mga maling gawain.
“Ngunit, kailangan may managot sa mga krimen na naganap,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Sotto na ipagpapatuloy niyang isulong ang kanyang good governance agenda.
Unang nanalo bilang alkalde ng Pasig si Sotto noong 2019. RNT/JGC