MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang anim na Filipino workers mula Iran nitong Sabado, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ang grupo ay ang unang batch ng mga Filipino na na-repatriate mula Iran kasunod ng sagupaan sa Israel na nagsimula noong Hunyo 13 at natapos sa isang ceasefire noong Hunyo 24.
Lima sa overseas Filipino workers ay nagtatrabaho bilang shrimp hatchery technician sa Iran.
Ang isa naman ay domestic worker na nakabase sa Dubai, United Arab Emirates na sumama sa kanyang amo sa Iran bilang turista.
Sinalubong sila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan, Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega and DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi, kasama ang medical workers at social welfare officer mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Naisagawa ang repatriation sa pamamagitan ng pagsisikap ng Philippine Embassy sa Tehran, sa pangunguna ni Ambassador Roberto Manalo, at mahigpit na pakikipag-ugnayan sa DMW at OWWA. Jocelyn Tabangcura-Domenden