MANILA, Philippines – Pinuna ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Lunes ang tinawag niyang “inconsistencies” sa pahayag ng kontrobersyal na mag-asawa at contractors ng gobyerno na sina Sarah at Curlee Discaya sa ikatlong pagdinig ng Senado sa flood control controversy.
Sa isang Facebook post, binalaan ni Sotto ang mga mambabatas at ang publiko na ang mga Discaya ay may kakayahang magsinungaling, na itinuturo ang kanilang mga pahayag noong panahon ng kampanya. Si Sarah ang pinakamalapit na karibal ni Sotto noong 2025 elections.
“Obviously there are congressmen, DPWH officials, and contractors who are guilty. But the Spouses Discaya are clearly angling to become STATE WITNESS. Para di sila makulong,” saad ni Sotto.
Sa pagdinig ngayong Lunes, sinabi nina Sarah at Curlee Discaya na pinilit sila ng ilang opisyal na lumahok sa mga maanomalyang bidding ng gobyerno at mag-turn over ng mga kickback kapalit ng pagtitiyak ng mga proyekto.
Sinabi ni Curlee na kumikita sila ng humigit-kumulang dalawa hanggang tatlong porsyento — o hanggang limang porsyento — ng halaga ng kontrata, na pinagdudahan ni Sotto.
“Taliwas ito sa statement nila sa isang interview, kung saan sinabi nilang bilyonaryo sila at nasa “11 digits” na daw ang pera nila. Meaning AT LEAST ₱10 BILLION… Dahil PAANO KA MAGIGING BILYONARYO NA GANUN SA 2-3% PROFIT?” ani Sotto.
“Sinong gagawa ng ganun kalaking krimen para sa 2 to 3 percent na kita? Wag tayong magpauto sa mga paawa effect nila… Wala daw silang magawa??” dagdag niya.
Sinabi pa ni Mayor Sotto na ang hamon dito ay “sift through the half-truths and attempts to mislead us, not only of the spouses discaya but of everyone involved.”
“May we be vigilant and discerning,” aniya.
Sinabi ng mga Discaya na nais nilang maging state witness para ilantad ang sabwatan sa pagitan ng mga mambabatas, ahensya ng gobyerno, at mga tauhan sa anomalya.
“Handa kaming tumestigo na walang pilit at kusang loob bilang state witnes at sabihin ang lahat ng nangyayaring katiwalian ng Kamara, DPWH, at iba pang mga kawani ng gobyerno para gawin ang tama,” saad ni Curlee.
Humiling din ang mag-asawa kina Marcoleta at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang pamilya. RNT/MND