MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Mark Villar ng mas malawak na access sa mental health services, dagdag na mental health professionals at sapat na pondo para sa suicide prevention programs sa gitna ng ikinababahalang bilang ng mga kaso ng intentional self-harm sa bansa.
Sa kanyang privilege speech bilang pakikiisa sa Suicide Prevention Month, sinabi ni Villar na dapat tugunan ang mental health nang may kaparehong urgency at dignidad na ibinibigay sa physical health.
“Our people deserve a healthcare system that treats mental health with the same urgency, respect, and dignity as physical health,” ani Villar.
Binanggit ng senador ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita ng patuloy na public health burden ng intentional self-harm. Sa pinakahuling opisyal na datos ng PSA, tinatayang 2.7 kada 100,000 populasyon ang suicide mortality rate sa Pilipinas noong 2024.
Binigyang-diin din ni Villar ang kakulangan ng mental health professionals sa bansa at sinabing nananatiling mahirap para sa maraming Pilipino, lalo na sa labas ng Metro Manila, ang makakuha ng agarang psychiatric at psychological services.
Iginiit niyang kailangang tugunan hindi lamang ang kakulangan sa serbisyo kundi pati ang stigma na pumipigil sa ilan na humingi ng tulong.
“Hindi kahinaan ang paghingi ng tulong. Hindi ito pag-iinarte. At lalong hindi ito dapat ikahiya,” ani Villar.
Hinimok niya ang mga pamilya, paaralan at komunidad na gawing normal ang pag-uusap tungkol sa mental health at matutong makinig nang walang panghuhusga sa mga taong nakararanas ng mental health struggles.
Kasabay ng deliberasyon sa proposed 2027 national budget, nanawagan si Villar na tiyaking may sapat na pondo para sa pagpapatupad at pagpapalawak ng mental health programs ng pamahalaan.
Kabilang sa mga panukalang isinusulong niya ang mga hakbang para sa school-based guidance counseling, pagkakaroon ng nurses sa mga barangay, workplace protection at youth suicide prevention.
Binigyang-diin ni Villar na hindi lamang statistics ang mga kaso ng suicide at intentional self-harm, kundi mga buhay at pamilyang direktang naaapektuhan ng mental health crisis. RNT