Home HOME BANNER STORY Viral ‘cat killer’ na Tsino arestado na

Viral ‘cat killer’ na Tsino arestado na

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ng Bureau of Immigration (BI) si Jiang Shan, isang 32-anyos na Chinese national, dahil sa overstaying matapos umano niyang sipain hanggang mamatay ang isang pusa sa Ayala Triangle Gardens sa Makati City.

Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nahuli si Jiang ng mga intelligence officers ng BI sa harap ng kanyang tirahan sa Barangay Palanan noong Marso 10.

Ayon sa rekord ng BI, dumating si Jiang bilang turista noong Mayo 2023 ngunit hindi na niya na-renew ang kanyang visa mula Setyembre 2023. Wala rin siyang naipakitang mga dokumento sa oras ng pag-aresto.

Dinala si Jiang sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang kanyang deportation case.

Naging viral si Jiang matapos masangkot sa insidente kung saan sinipa niya ang community cat na si “Ken” na kalaunan ay namatay dahil sa tinamong mga sugat. Ayon sa mga saksi, naging arogante si Jiang at tumangging magbigay ng impormasyon pagkatapos ng insidente.

Ang kanyang malupit na aksyon ang nagtulak sa BI na suriin ang kanyang rekord, kaya siya ngayon ay nakadetine at haharap sa deportation,” ani Viado. JR Reyes