Home NATIONWIDE Bong Go, patuloy na susuportahan OFWs sa buong mundo

Bong Go, patuloy na susuportahan OFWs sa buong mundo

Muling binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang hindi natitinag na pangakong itataguyod ang mga karapatan at kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) saan mang panig ng mundo.

Sa kanyang pagbisita kamakailan sa Hong Kong, kung saan nakipagpulong siya sa mga OFW, pinakinggan ni Go ang mga alalahanin ng mga migranteng manggagawa at tiniyak sa kanila na nananatili siyang matatag sa pagtataguyod ng kanilang mga pangangailangan.

Ang pagtitipon ay inorganisa ng iba’t ibang organisasyon ng OFW mula sa Hong Kong at Macau. Sa dayalogo ay nangako si Go na patuloy na isusulong ang mga patakarang magpoprotekta at susuporta sa OFWs sa buong mundo.

Kinikilala ang mga sakripisyong ginawa ng milyun-milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, hindi tumitigil si Go sa pagtutulak ng mga hakbang na layong tiyakin ang kanilang kagalingan, lalo sa panahon ng mga krisis.

Ang kanyang papel na pagpapauwi sa mga OFW sa panahon ng COVID-19 pandemic ay nagpapakita ng kanyang dedikasyong tiyakin na na walang maiiwan sa mga manggagawang Pilipino.

Kabilang din siya sa matibay na nagtaguyod ng pagpapalakas sa mga programa ng gobyerno para sa pakinabang ng OFWs, gaya ng pagsuporta sa OFW Bank na itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 44.

Bilang vice chair ng Senate committee on migrant workers, isa si Go sa nag-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641, na nagtatag sa Department of Migrant Workers upang pabilisin ang mga serbisyo sa OFWs.

Bilang chairman naman ng Senate committee on health, itinulak ni Go ang mas magandang healthcare programs para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Inihain niya ang Senate Bill No. 2297 para i-institutionalize ang OFW Hospital at SBN 2414 o ang “OFW Ward Act” upang matiyak na ang bawat ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) ay magbibigay ng dedikadong pangangalaga sa mga migranteng manggagawa at sa kanilang mga pamilya.

Kamakailan, inihain ng senador ang Senate Bill No. 2990, na naglalayong doblehin ang bed capacity sa Overseas Filipino Workers Hospital.

Higit pa sa pagsusulong ng mga panukalang batas, naging hands-on si Go sa pagtugon sa mga concerns ng OFWs.

Sinuportahan niya ang mga pagsisikap na tulungan ang mga OFW na nahaharap sa mga krisis tulad ng mga legal na kaso at pang-aabuso ng employers. RNT