MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto at isinailalim sa restrictive custody ang isang pulis na naging viral matapos ang pagdakip sa isang senior citizen driver, kasunod ng kanyang pahayag na ginagamit umano siya ng isang opisyal ng National Police Commission (NAPOLCOM) para sa pagpapapogi sa media.
Sa isang press briefing, sinabi ni Police Corporal Simeon Suan kay NAPOLCOM Commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan: “Huwag po tayong magpa-pogi sa media sir. ‘Yun lang po ang masasabi ko rito.”
“Sana naman po sir ganito, mabigyan niyo ako ng chance. Mali-mali po ‘yung sinasabi niyo sir. Hanggang ngayon wala pong binabayad sa akin kahit singko,” dagdag ni Suan.
Agad namang tumugon si Calinisan ng, “Wala pala eh. So be it.”
Muli pang nagsalita si Suan at sinabing, “Huwag niyo po sana akong gawing instrumento dito para magpapogi kayo sa media.”
“Hindi kami nagpapapogi rito,” sagot ni Calinisan.
Naging kontrobersyal si Suan matapos kumalat ang video kung saan makikitang hinahatak at pilit na pinabababa mula sa kanyang utility van ang isang senior citizen driver na kanyang nakabanggaan. Makikita rin sa video ang pagtatangkang posasan ang matanda na nauwi sa pisikal na komprontasyon bago ito tuluyang malagyan ng posas.
Ayon kay Suan, tinangka umano siyang sagasaan ng driver.
Kasunod ng insidente, tinanggal siya sa puwesto bilang miyembro ng Regional Police Mobile Force Battalion sa Region 4A at isinailalim sa restrictive custody.
Sinabi rin ng NAPOLCOM na dati nang may administratibong kaso si Suan ngunit hindi siya na-dismiss sa serbisyo, bagay na muli nilang sisiyasatin.
“The National Police Commission will be happy to dismiss these types of errant cops. Until our policemen understand that we cannot do this to our Filipino people. Matanda babastusin. NAPOLCOM Commissioner babastusin. Nasaan na ba ang respeto natin dito, Corporal Suan? Kaya nawawalan ng tiwala ang taong bayan sa pulis gaya mo, gawa mo. Hindi ka dapat maging pulis,” pahayag ni Calinisan. Santi Celario