MANILA, Philippines – Isasailalim sa yellow alert ang Visayas grid sa Linggo, Setyembre 6, dahil sa hindi paggamit ng ilang power plant, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon sa advisory, ipatutupad ang yellow alert mula alas-6 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi.
May available capacity lamang na 2,405 megawatts (MW) ang grid habang nasa 2,295 MW ang peak demand.
Kabilang sa mga dahilan ng yellow alert ang hindi paggamit ng malalaking coal plant na TVI 1 at PEDC 3; Pagbaba ng kapasidad ng Palm Concepcion Power Corporation; at Limitadong power import mula sa Mindanao.
Sinabi rin ng NGCP na siyam na planta ang naka-forced outage ngayong Setyembre, anim mula Agosto, isa mula Hulyo, dalawa mula Hunyo, pito mula Mayo, tatlo mula 2025, dalawa mula 2024, dalawa mula 2023 at isa mula 2021.
Labinlimang planta naman ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad. Dahil dito, 877.5 MW ng kapasidad ang hindi magagamit sa Visayas grid.
Ipinapahayag ang yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid. RNT/MDS