MANILA, Philippines – Muling inilagay sa yellow alert ang Visayas grid nitong Lunes, Setyembre 28, dahil sa manipis na energy reserves, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Nakatakdang ipatupad ang yellow alert mula alas-5 hanggang alas-7 ng gabi. May available capacity na 2,572 megawatts (MW) ang grid, habang nasa 2,374 MW ang peak demand.
Ayon sa NGCP, hindi available ang malalaking coal plant na Panay Energy Development Corporation Unit 3, KEPCO SPC Power Corporation Unit 2, at Therma Visayas Inc. Unit 1 matapos isara ang mga ito alas-4:34 ng madaling araw.
May 14 na planta rin na nasa forced outage, habang 15 planta ang tumatakbo sa derated capacity, na nagresulta sa kabuuang 928.3 MW na hindi available sa grid.
Ipinapahayag ang yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Bilang tugon, inatasan na ng Department of Energy (DOE) ang NGCP na mag-install ng mahigit 250 MW na battery energy storage systems. Pinag-aaralan din ng DOE ang paggamit ng mga liquid fuel facility upang makatulong sa suplay ng kuryente sa Visayas. RNT/MDS