MANILA — Muling isinailalim sa red alert ang Visayas grid mula alas-3 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi ngayong Martes, Agosto 18, dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente para tugunan ang inaasahang demand.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), naka-yellow alert din ang grid mula alas-1 hanggang alas-3 ng hapon at mula alas-9 hanggang alas-10 ng gabi.
Batay sa alas-8 ng umagang update ng NGCP, nasa 2,410 megawatts (MW) lamang ang available capacity ng Visayas grid kumpara sa inaasahang peak demand na 2,502 MW.
Umabot naman sa 836.9 MW ang kabuuang unavailable capacity matapos magkaroon ng forced outage ang ilang power plants habang 13 iba pa ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng kakulangan sa suplay ang patuloy na pagkawala sa operasyon ng Units 1 at 2 ng Therma Visayas Inc. at limitadong power imports mula Mindanao dahil din sa outages ng coal plants at mataas na demand doon.
Nagdedeklara ng red alert kapag hindi sapat ang power supply upang matugunan ang demand ng mga consumer at kinakailangang reserve ng grid. Yellow alert naman kapag kulang ang operating margin para sa contingency requirement.
Nakikipag-ugnayan ang Department of Energy sa NGCP at iba pang ahensya ng power sector upang mapabilis ang pagbabalik sa operasyon ng mga apektadong pasilidad at mapatatag ang suplay ng kuryente sa Visayas. Dave Baluyot