Home NATIONWIDE Visayas grid, yellow alert ulit — NGCP

Visayas grid, yellow alert ulit — NGCP

1
0

MANILA, Philippines — Isasailalim sa yellow alert ang Visayas power grid ngayong Huwebes, Oktubre 15, dahil sa kakulangan ng reserbang kuryente bunsod ng hindi pag-andar ng ilang power plants at limitadong suplay mula sa Mindanao.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ipatutupad ang yellow alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi.
Batay sa advisory ng NGCP, nasa 2,557 megawatts (MW) ang available capacity ng Visayas grid, habang inaasahang aabot sa 2,479 MW ang peak demand.

Kabilang sa mga dahilan ng kakulangan sa reserba ang hindi pag-andar ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) Unit 3 at Kepco SPC Power Corporation (KSPC) Unit 1.

Limitado rin ang suplay ng kuryenteng maaaring manggaling sa Mindanao dahil sa hindi planadong outage ng FDC Unit 3 at nakatakdang maintenance ng GNPK Unit 4 at TSI Unit 2.

Ayon sa NGCP, may anim na power plants na nakaranas ng forced outage ngayong Oktubre, habang 17 iba pang planta ang tumatakbo nang mas mababa sa kanilang normal na kapasidad.
Mayroon ding mga planta na nananatiling hindi operational mula pa noong mga nakaraang buwan at taon.

Dahil dito, umabot sa 645.6 MW ang kabuuang kapasidad na hindi magamit ng Visayas grid.

Ipinaliwanag ng NGCP na itinataas ang yellow alert kapag hindi sapat ang natitirang reserbang kuryente upang matugunan ang contingency requirement ng grid sakaling magkaroon ng biglaang aberya.

Bagama’t hindi awtomatikong nangangahulugan ng brownout ang yellow alert, posible ang pagkaantala ng suplay kung lalo pang bababa ang available capacity o tataas ang demand sa kuryente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here