Home NATIONWIDE Visiting Forces Agreement sa SoKor target ng Pinas

Visiting Forces Agreement sa SoKor target ng Pinas

MANILA, Philippines – Inihayag ni AFP Chief General Romeo Brawner Jr. na layunin ng Pilipinas na magkaroon ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa South Korea, sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng Balikatan Exercise 2025.

Ayon kay Brawner, mayroon nang kasunduan ang Pilipinas sa New Zealand at inaasahang malapit nang mapirmahan din ang mga kasunduan sa Canada, France, at South Korea.

Sinabi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na sisimulan ang mga pag-uusap sa South Korea pagkatapos ng kanilang halalan sa Hunyo 3. Ayon sa kanya, mahalaga ang nasabing kasunduan dahil sa interoperability ng dalawang bansa at ang pagbili ng mga military assets ng Pilipinas mula sa South Korea.

Bagaman ipinagbabawal ng 1987 Konstitusyon ang permanenteng presensya ng dayuhang tropa, pinapayagan ang pansamantalang pagbisita sa pamamagitan ng VFA.

May umiiral nang kasunduan ang Pilipinas sa Estados Unidos at Australia, habang nilagdaan naman ang VFA sa New Zealand noong Abril 30, 2025.

Ang hakbang ay bahagi ng estratehiya ng Pilipinas upang palalimin ang ugnayang pang-depensa kasabay ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea. RNT