MANILA, Philippines – Patuloy na nakararanas ng red at yellow alert ang mga power grid sa Visayas at Mindanao ngayong Huwebes dahil sa hindi paggamit ng ilang power plant habang mataas ang demand sa kuryente.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nasa red alert ang Visayas Grid mula 1 p.m. hanggang 10 p.m., habang yellow alert mula 10 a.m. hanggang 1 p.m. at 10 p.m. hanggang 11 p.m.
Nasa 2,187 megawatts (MW) ang available capacity, habang inaasahang aabot sa 2,575 MW ang peak demand.
Patuloy na naka-forced outage ang Unit 1 ng Therma Visayas Inc. at Unit 3 ng Panay Energy Development Corp., kasama ang apat pang unit na hindi available ngayong buwan. Mahigit 20 iba pang unit ang hindi rin available mula pa noong 2021, habang 16 power plant ang gumagana sa mas mababang kapasidad. Dahil dito, nasa 792 MW ang kabuuang kapasidad na nawala.
Mababa rin ang inaangkat na kuryente mula Mindanao patungong Visayas, kaya lalo pang nababawasan ang available power.
Sa Mindanao Grid, nasa 2,480 MW ang available capacity, mas mababa sa pinagsamang pangangailangan para sa peak demand, contingency at regulating reserves. Inaasahang aabot sa 2,546 MW ang peak demand.
Magkakaroon ng red alert mula 12 noon hanggang 9 p.m., habang yellow alert mula 10 a.m. hanggang 12 noon at 9 p.m. hanggang 10 p.m.
Ayon sa NGCP, anim na power plant ang naka-forced outage ngayong buwan, kabilang ang Units 1 at 2 ng GNPower Kauswagan at Unit 2 ng Therma South Inc. Apat pang planta ang hindi available ngayong buwan, habang 21 iba pa ang naka-forced outage mula pa noong unang bahagi ng 2024.
May pito pang power plant na gumagana sa mas mababang kapasidad, kaya umabot sa 841.6 MW ang kabuuang kapasidad na nawala sa Mindanao.
Naglalabas ang NGCP ng yellow alert kapag mas mababa ang available capacity kaysa sa kinakailangang contingency requirement ng grid. Red alert naman kapag hindi sapat ang available capacity para matugunan ang demand at contingency requirement. RNT/MDS