Home NATIONWIDE Vlogger na ex-army kinasuhan sa DOJ

Vlogger na ex-army kinasuhan sa DOJ

MANILA, Philippines- Sinampahan ng kasong sedition sa Department of Justice (DOJ) ang vlogger na nanghihikayat umano sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) na pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno.

Inireklamo ni PNP Brig. Gen. Nicholas D. Torre, chief of the PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), sa DOJ si Elemente Enrique na dati ring Philippine Army officer na may ranggong captain.

Sinabi ni Torre na maraming pagkakataon na nanawagan si Enrique ng sedisyon laban sa gobyerno kahit sa panahon na nakatalaga pa si Torre bilang regional director ng Davao at kasagsagan na tinutugis si Pastor Apollo Quiboloy.

Sinabihan umano sila ng vlogger na huwag ipatupad ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.

Ngayon naman aniya ay nananawagan si Enrique sa Armed Forces at sa PNP na iatras ang suporta sa Marcos administration.

Nilinaw ni Torre na sa isang demokratikong bansa, may karapatan ang mamamayan na ihayag ang kanilang saloobin ngunit mayroon itong mga limitasyon na dapat ay sa loob ng hangganan ng batas. Teresa Tavares