MANILA, Philippines- Nagsilbi ang police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng search warrant sa isang vlogger na nagpakalat umano ng maling impormasyon ukol kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III.
Sinabi ni Torre sa isang Facebook post nitong Sabado na “actions have consequences” matapos umanong magpakalat ang vlogger na si Jun Abines ng mga larawan niya sa isang ospital.
“Nagdulot ito ng pag-alala at pagkabalisa sa pamilya at mga kaibigan ko. Ano ang naging aksyon ko? Sumandig ako sa batas, naniniwala ako na mali man ang ginawa mo ay may karapatan kang humarap sa korte at mabigyan ng due process,” wika ng CIDG chief.
“Nag-apply ako ng search warrant para makuha ang mga phone at computer na ginamit mo sa katarantaduhang ginawa mo sa akin. Ngayon iiyak-iyak ka sa social media? At yung pangtarantado mo, ang consequence ngayon sa yo ay pagkuha mo ng abogado.”
Binatikos naman ni Abines ang ginawa ng mga awtoridad sa kanyang tahanan at mga ari-arian.
Aniya, kinumpiska ang kanyang gadgets nitong Sabado ng hatinggabi matapos maghain si Torre ng cyber libel case ng kanya, at ang pag-isyu ng search warrant.
“They did not allow me to close my bank accounts, GCash and personal accounts,” ani Abines sa isang Facebook post.
“When PNP/CIDG invaded my home and confiscated my celfone, they tried to download and prove my celfone for 3 hours on site. I believe what they did was illegal for tampering on my celfone which is an ‘evidence” that’s supposed to be preserved,’” patuloy niya.
Giit niya, wala siyang itinatago sa mga awtoridad, at inakusahan ang CIDG at ang national ng pag-espiya sa kanyang mga account.
“I advised all friends to delete me from all Group Chats to protect our personal conversation from prying eyes with malicious motives,” patuloy niya. RNT/SA