MANILA, Philippines- Dinakip ng mga tauhan ng Pasay City police Warrant and Subpoena (WSS) ang kontrobersyal na si ‘Diwata’ sa kanyang pinamamahalaang pwesto ng kainan nitong Martes ng umaga, Abril 16.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang suspek na si Deo Balbuena y Narito, 42, residente ng Diokno Boulevard, Brgy 76, Pasay City.
Base sa report na isinumite ni Mayames sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto kay Balbuena dakong alas-10 ng umaga sa pwesto ng kanyang pinamamahalaang kainan sa Diokno Boulevard, Brgy. 76, Pasay City.
Dinakip si Balbuena sa bisa ng warrant of arrest na isinilbi ng mga tauhan ng WSS na pinamunuan ni P/Lieut. Alexander Macarunay.
Inisyu ang warrant of arrest ni Pasay City Metropolitan Trial Court (MeTC) Judge Allan B. Ariola ng Branch 48 noong Oktubre 2, 2018 bunsod sa kinahaharap na kasong slight physical injuries ni Balbuena.
Matatandaan na naging kontrobersyal umano si Balbuena dahil sa kanyang pinamamahalaang kainan sa Diokno Blvd. malapit sa Senado dahil pumatok ito na nagdulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa kalsada papasok sa gusali ng Senado.
Kamakailan lamang ay ininspeksyon ang pwesto ni Balbuena kung saan nadiskubreng wala itong kahit anong permit sa BPLO kung kaya’t ipinatigil ang operasyon nito.
Nito lamang unang linggo ng Abril ay lumapit kay City Mayor Emi Calixto-Rubiano si Balbuena kung saan pinayagan itong ipagpatuloy ang kanyang negosyo at binigyan siya ng dalawang buwan para makumpleto ang lahat ng kaukulang permit sa lokal na pamahalaan.
Si Balbuena ay nakapaghain ng piyansa sa halagang P3,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. James I. Catapusan