MAGUINDANAO DEL NORTE- Patay ang isang mataas na opisyal ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao habang sugatan ang kasama nito matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek noong Miyerkules ng hapon sa lalawigan ito.
Kinilala ang nasawi na si Christia Angela Aragoncillo, 27-anyos, Logistics Management Officer ng Bangsamoro Social Services Ministry habang sugatan ang kasamahan nitong si Norhana Ado.
Batay sa report ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, naganap ang krimen sa national highway na sakop ng Barangay Semba ng naturang bayan.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Aragoncillo ang kulay puting Toyota sports utility vehicle sakay si Ado nang bigla na lamang silang tambangan ng armadong kalalakihan.
Pinuntirya ng mga suspek ang driver seat at pinagbabaril ang biktima sa ulo habang nagtamo naman ng ligaw na bala si Ado.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon habang dinala sa ospital ang mga biktima subalit idineklara na ring patay si Aragoncillo.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para agaran paglutas ng kaso. Mary Anne Sapico