MANILA, Philippines – Hinoldap ng 10 armadong lalaki ang isang vlogger ng ginto at tatlo niyang kasamahan sa Pasay, kung saan natangay ang mahigit P6 milyong halaga ng alahas at pera, ayon sa mga awtoridad.
Ilan sa mga suspek ay tinukoy bilang SK chairman at kagawad.
Nangyari ang insidente pasado 10 p.m. noong Miyerkoles sa Tejeron Street, Barangay 792 sa Santa Ana, Maynila, kung saan huminto ang dalawang SUV.
Bumaba mula sa puting SUV ang driver at isang lalaki na may dala-dalang mahabang bagay na nakabalot sa tela. Ilang minuto ang lumipas, hindi na sila bumalik, dahilan para magka-traffic at tumugon ang mga taga-barangay.
Ayon sa barangay, nakita ng isang mag-asawa na sumakay ang dalawa sa itim na SUV.
“Kumanan dito sa may A. Francisco, dire-diretso na. ‘Yung kuwento niya parang iba, parang natatakot siya. Kaya tumawag tayo agad ng back-up sa kapulisan natin. Bale nakita natin may parang cable tie na pula doon sa may lapag tapos ‘yung dalawang tsinelas doon sa driver seat,” ayon kay Kagawad Arman Perez ng Barangay 792.
Sinabi ng pulisya na sinusundan nila ang puting SUV na umano’y hinijack sa Barangay 190, Pasay City. Nasa loob ng sasakyan ang apat na biktima, kabilang ang 24-anyos na content creator at seller ng ginto. Nakaligtas ang driver at pasahero sa harap, habang naiwan ang dalawang pasahero sa likod sa kontrol ng mga suspek.
Naglunsad ng dragnet operation ang pulisya matapos humingi ng saklolo ang dalawang nakatakas. Sa tulong ng GPS ng sasakyan, natunton ang SUV hanggang sa Santa Ana, Maynila.
Nakakuha ng pagkakataon ang dalawang biktima na makatakas nang ililipat na sila sa ibang sasakyan at napansin nilang hindi naka-lock ang mga pinto.
“Itong mga biktima natin, ito talaga ‘yung kanilang negosyo, ‘yung mag-trade in ng mga gold,” ayon kay Police Colonel Joselito De Sesto, hepe ng Pasay City Police.
Nakuha ng mga suspek ang mahigit P6 milyong halaga ng alahas at pera.
Makaraan ang ilang oras, natagpuan ang mga suspek sa isang resort sa Barangay Pansol, Calamba, Laguna. Nadakip ang 22-anyos na lalaki na pinaniniwalaang driver ng itim na SUV at nakumpiska ang ilang alahas, pera, at isang granada. Hindi na nakita ang ibang kasabwat sa oras na iyon.
Makikita sa CCTV ng resort ang mga kasamahan ng suspek na kumakain at pinagpaparte-partihan ang kanilang nakuha. Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang anim sa sampung suspek, kabilang ang SK chairman at kagawad mula sa isang barangay sa Pasay.
Lumalabas sa imbestigasyon na kilala ng mga biktima ang ilan sa mga suspek. Ito na ang ikalimang pagkakataon na nagawa ng grupo ang katulad na krimen sa iba’t ibang lalawigan.
Nang subukang kunan ng pahayag ang nahuling suspek, sinabi nito, “Sa korte na lang ako magpapaliwanag, sir.”
Mahaharap ang mga suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang robbery, paglabag sa comprehensive law on firearms and ammunition, at illegal possession of explosives. RNT