Home NATIONWIDE 13 tripulanteng Pinoy, sinagip ng China Coast Guard

13 tripulanteng Pinoy, sinagip ng China Coast Guard

254
0

MANILA, Philippines – Iniligtas ng China Coast Guard (CCG) ang 13 Pilipinong tripulante ng isang cargo ship na tumaob bago magbukang-liwayway nitong Biyernes sa West Philippine Sea, ayon sa mga awtoridad ng China at Pilipinas.

Ayon sa Chinese Embassy sa Maynila, may kabuuang 21 Pilipino ang sakay ng barkong tumaob may 55 nautical miles hilagang-kanluran ng Huangyan Dao, tawag ng Beijing sa pinagtatalunang Scarborough Shoal, na may layong humigit-kumulang 261 kilometro mula sa hilagang Pilipinas. Dalawang barko ng CCG ang ipinadala para sa rescue operations.

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang dumaraang barko ng CCG ang sumagip sa mga Pilipinong tripulante “alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea,” na nag-aatas sa lahat ng estado na tulungan ang mga taong nasa panganib sa dagat. Binigyang-diin ng PCG na ang huling kinalalagyan ng barko ay nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone, kung saan pinahihintulutan ang freedom of navigation ngunit “hindi nito pinapayagan ang law enforcement patrols ng mga dayuhang sasakyang-dagat.”

Batay sa paunang ulat, ang Singaporean-flagged M/V Devon Bay na may kargang iron ore ay patungong Yangjiang, China mula Gutalac, Zamboanga, at nakatagilid na umano ng humigit-kumulang 25 degrees bago tumaob. Nag-deploy ang PCG ng dalawang barko at dalawang sasakyang panghimpapawid upang ipagpatuloy ang search and rescue para sa natitirang tripulante.

Ipinakita sa mga larawang inilabas ng Chinese Embassy ang mga nailigtas na Pilipinong mandaragat na binibigyan ng lunas. Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, ang coast guard ay “patuloy na mahigpit na mino-monitor ang sitwasyon at nananatiling ganap na nakatuon sa pagtiyak sa kaligtasan ng natitirang mga tripulante.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here