Home NATIONWIDE Vlogger patay sa kinaing devil crab sa Palawan

Vlogger patay sa kinaing devil crab sa Palawan

230
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang vlogger matapos kumain ng devil crab sa Puerto Princesa, Palawan.

Sa ulat, ang vlogger ay kinilalang si Emma Amit na nagpost ng pagkain nito ng lamang dagat bilang huling content nito.

Ayon sa kapitan ng Barangay Luzviminda, Pebrero 6 nang lutuin ni Emma ang alimangong nahuli ng kanyang asawa.

Nakasalo pa ni Emma sa pagkain ng alimango ang kanyang kaibigan na dumalaw.

“Nakakain ng isang piraso ‘yung kaniyang kasama [at] namanhid ‘yung kaniyang bunganga. Ngayon, tumigil po sa pagkain, ayaw na dahil naglalaway na raw po siya,” pahayag ni Laddy Gemang, Kapitan ng Barangay Luzviminda, sa panayam ng GMA News.

Sa kabila nito ay nagtuloy pa rin ng pagkain si Emma.

“‘Yun na po pagkatapos kumain ayun na hirap na pong huminga then sinugod kaagad sa clinic. Pagkadating doon humingi pa ng tulong pero hirap na hirap na, nu’ng naghikab nawalan ng malay, then ni-revive naman po ng mga nurse at midwife at dinala kaagad nila sa hospital sa Puerto Princesa,” sinabi ni Gemang.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Emma.

Isinugod din sa ospital ang kaibigan ng biktima ngunit magaling na ito at nakauwi na rin ng bahay.

“Talagang hindi naman nagtigil ‘yung ating gobyerno sa pagpaalala kaso lang ma’am dahil siguro nakalimutan ‘yung itsura nu’ng devil crab na ‘yun at nakita nila talagang katakam-takam ‘yung naturang crab kaya siguro kinain,” ayon kay Gemang.

Samantala, kinumpirma ng kapitan na ang vlogger ang ikatlong indibidwal na nasawi sa kanilang barangay dahil sa pagkain ng devil crab.

“‘Yung mismong crab ay hindi gumagawa ng lason, pero dahil may mga mikro organismo na gumagawa ng lason na nakakain nung crab, ito ay pwedeng maipon doon sa mismong crab,” paliwanag naman ni Deo Florence Onda, professor sa UP Marine Science Institute.

“Dahil nadami ‘yung microorganisms na gumagawa ng lason sa reef, mas madali itong maipasa doon sa mga crab na nakatira din sa mismong reef,” dagdag ni Onda.

Neurotoxin umano ang sanhi ng mga sintomas na paralysis at nakadepende sa dami ng toxin ang epekto nito sa tao.

“Isang bagay na dapat tingnan ng BFAR, malaman sana kung saan madami at mataas ‘yung toxin na available sa environment para mas mabigyang pansin kung sino ‘yung mga komunidad na dapat talagang pagbawalan,” ayon kay Onda.

Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources MIMAROPA na hindi lahat ng makukulay na alimango ay ligtas kainin at nakamamatay kabilang ang devil crab at green egg crab. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here