MANILA, Philippines — Mahigit 300 Human Immunodeficiency Virus (HIV) care facilities na ang bukas sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH), para mapalawak ang access sa testing at treatment services.
Ayon sa DOH, kasalukuyang 338 HIV care facilities ang nagbibigay ng libreng serbisyo tulad ng screening at confirmatory testing, antiretroviral therapy, counseling, combination prevention, at viral load testing.
Sa kabuuan, 186 ang nasa Luzon, 77 sa Visayas, at 75 sa Mindanao, bilang bahagi ng pagsisikap na mas maging accessible ang mga serbisyo sa iba’t ibang rehiyon.
Ani Health Secretary Teodoro Herbosa, malaking tulong ang expansion ng treatment hubs sa accessibility ng testing. Idinagdag niya na ipinamamahagi rin ang self-test kits sa pamamagitan ng civil society organizations.
“Isa tayo sa may mataas na kaso sa ASEAN, na may humigit-kumulang 16 bagong kaso kada araw, karamihan ay kabataang lalaki. Mahalaga na mapigilan natin ito,” ani Herbosa.
“Hindi dapat mamatay ang pasyente basta maagap ang paggamot.”
Sa kasalukuyan, ang Philippine Health Insurance Corporation ay nagbibigay ng Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package na hanggang ₱58,500 kada pasyente bawat taon.
Ipinahayag din ni Herbosa na nakikipag-usap siya sa United States Department of State upang makakuha ng lenacapavir, isang long-acting injectable na gamot na ibinibigay dalawang beses sa isang taon.
“Magiging game changer ito. Mahal, pero ipinangako bilang grant,” aniya.
Bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso, tinawag ng DOH ang HIV bilang “evolving local epidemic.” Ayon sa projections, maaaring lumampas sa 457,000 ang bilang ng taong may HIV sa Pilipinas pagdating ng 2030 kung magpapatuloy ang kasalukuyang trend. RNT/JGC