MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng vlogger na si Jack Argota ang pananahimik ni dating Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo sa gitna ng mga alegasyong kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.
Sa isang Facebook post, tinanong ni Argota kung bakit hindi umano nagsasalita si Quimbo kaugnay ng mga alegasyong naunang inilabas ng ilang dating security personnel ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Nauna nang sinabi ni Rodante Orbillo, isa sa mga dating tauhan ni Co, na naghatid umano sila ng maraming maleta sa isang bahay na iniuugnay nila kay Quimbo sa Quezon City. Sinabi niyang mayroon umano silang mga larawan kaugnay ng sinasabing delivery.
Nagbigay rin noon ng kaparehong alegasyon sina Belnard Tube at Benny Bulontate, na nagsabing naghatid umano sila ng mga maleta sa tirahan ni Quimbo. Gayunman, kabilang sina Tube at Bulontate sa apat na testigong kalaunan ay nagbawi ng kanilang mga naunang pahayag kaugnay ng mas malawak na “maleta” controversy.
Noong Hunyo, sinabi rin ng National Bureau of Investigation na ang mga alegasyon ng cash deliveries na kanilang sinuri ay nananatiling hindi pa napapatunayan dahil sa kakulangan umano ng independent corroborating evidence, dokumento at mga testigong may personal na kaalaman sa ilang claims.
Naging vice chairperson ng House Committee on Appropriations at miyembro ng bicameral conference committee si Quimbo noong deliberasyon ng 2025 national budget. Naging acting chairperson lamang siya ng appropriations panel noong Enero 2025 matapos magbitiw si Co.
Patuloy na bahagi ng mga imbestigasyon at magkakasalungat na testimonya ang mga alegasyon hinggil sa umano’y cash deliveries. Ang mga pahayag laban kay Quimbo ay hindi katumbas ng napatunayang pananagutan. RNT