MANILA, Philippines – Bubuksan na ng Commission on Elections (Comelec) sa darating na Hulyo 1 ang voter registration para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia nitong Huwebes, ang voter registration ay tatagal ng sampung araw at layuning makapagtala ng hanggang isang milyong bagong rehistradong botante.
Kasabay nito, muling ipatutupad ang mall registration, lalo na sa National Capital Region, upang matulungan ang mga kababayan na hindi makauwi sa kanilang mga probinsya para makapagparehistro.
“Maaari nating palawigin ito sa mga mall o sa kahit saang lugar kung saan maaaring maglagay ng registration anywhere sites,” ani Garcia.
Dagdag pa ni Garcia, may isang buwang palugit ang Comelec upang abisuhan ang publiko tungkol sa nationwide voter registration na tatagal ng sampung araw bilang paghahanda para sa BSKE na nakatakda sa Disyembre 1.
Nagbabala rin ang Comelec na ang sinumang hindi makakapagparehistro o hindi makakapag-reactivate ng kanilang rehistro ay hindi papayagang makaboto sa darating na halalan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)