MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na ang resulta ng halalan ay ipadadala matapos ang oras ng botohan para sa May 12 polls.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay para tugunan ang hacking at alegasyon ng early transmission ng poll results.
Base pa kay Garcia, ang mga makina ay hindi makapagta-transmit ng resulta sa PPCRV, NAMFREL, majority parties sa central server ng Comelec, media server at canvassing centers nang wala pang alas-7 ng gabi.
“Naka-program ito, at lahat ng gagamiting servers at consolidation systems ay hindi rin tatanggap ng [election results] nang walang 7 p.m.,” wika ni Garcia.
Kinontrata ng Comelec ang South Korean firm na Miru Systems para sa P17.99 bilyong automated elections systems (AES) para sa parating na botohan, na kinabibilangan ng pagpapaupa ng 110,000 bagong automated counting machines (ACMs).
Inulit ni Garcia na ang ACMs ay mayroong bagong features para sa halalan kabilang ang tatlong araw na battery life.
Sinabi rin ng poll chief na iiimprenta ng mga ACM ang election returns (ERs) bago ipadala ang mga resulta sa mga server ng halalan, kabilang ang mga inilaan para sa mga election watchdog, majority at minority parties, at canvassing boards. Jocelyn Tabangcura-Domenden