Home HOME BANNER STORY VP Sara bumuwelta kay Marbil: ‘Batas ka lang, hindi ka Diyos’

VP Sara bumuwelta kay Marbil: ‘Batas ka lang, hindi ka Diyos’

160
0

MANILA, Philippines- Binatikos ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil kasunod ng pagtanggal sa 75 pulis na nakatalaga sa kanyang security detail, at tinawag ang aksyong “political harassment.”

Sa isang open letter kay Marbil, binanggit ni Duterte na kasunod ang pagtanggal sa PNP Police Security and Protection Group (PSPG) personnel na nakatalaga para sa kanyang seguridad ng pagbibitiw niya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at paglalabas ng video kung saan makikita umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumagamit ng ilegal na droga.

“Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko mag-resign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at pagkatapos lumabas ang cocaine video,” ani Duterte.

“Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment,” dagdag niya.

Wika ni Duterte, kasama umano sa relief order ang PNP personnel na pinagkakatiwalaan niya dahil ilan sa kanila ang nasa security ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016, habang ang iba ay bahagi na ng security niya mula pa noong 2007.

“It was obviously a targeted list and a targeted maneuver — nothing else,” giit niya.

Inanunsyo ni Duterte noong Martes na 75 PSPG na naka-assign sa kanyang security detail ang inalis alinsunod sa kautusan ni Marbil na ipinalabas noong Hulyo 22.

Aniya, epektibo ang kautusan ni Marbil pagbaba niya sa Office of the Vice President.

Subalit, sinabi ng Bise Presidente na hindi hiniling ng PNP na i-pull out ang PSPG personnel upang dagdagan ang pwersa sa National Capital Region (NCR).

“Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas ‘di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang Relief Orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP,” pahayag ni Duterte.

Paliwanag pa niya, nilikha ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) sa ilalim ng PSPG ng National Police Commission (NAPOLCOM), partikular para sa kanyang seguridad at ng susunod pang mga bise presidente ng bansa.

Giit niya, ibabalik niya ang iba pang pulis na nananatili sa kanyang security detail sa PNP.  

Ipinahiwatig din ni Duterte na maaaring malalagay sa panganib ang kanyang pamilya sa pagkalos ng security personnel.

“Ano ba ang ibig sabihin ng ‘threat’ sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba ‘threat’ kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno?”

“Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili? Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos,” patuloy niya.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang PNP hinggil dito. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here