MANILA, Philippines- Naghain na ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General (OSG) laban kay suspended Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa Manila RTC.
Sa petisyon ng OSG, kinuwestiyon nito ang pagiging karapat-dapat ni Guo na humawak ng posisyon sa gobyerno.
Nakasaad sa petisyon na ilegal na hinahawakan ni Guo Hua Ping alyas Alice Leal Guo ang posisyon bilang alkalde ng Bamban, Tarlac.
Iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra na si Guo ay isang Chinese national kung kaya hindi nararapat humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Sinabi ng OSG na nagkasala si Guo ng ‘serious dishonesty’ na sa ilalim ng local government code ay may katapat na parusa na matanggal sa kanyang posisyon.
Magugunita na nitong Hunyo, kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Guo at ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay may iisang fingerprint.
Kamakailan ay naghain na rin ng petisyon ang OSG na layong makansela ang birth certificate ni Guo.
Ilang beses nang iginiit ni Guo na siya ay isang Pilipino ngunit may mga dokumento na nakuha si Senador Sherwin Gathalian na magpapatunay na si Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisang tao batay sa nakuhang mga dokumento sa Board of Investments (BOI) at Bureau of Immigration.
Sa rekord ng BOI, kumuha ang pamilya Guo ng Special Investors Resident Visa (SIRV).
Lumabas sa dokumento na pumasok sa Pilipinas si Guo Hua Ping noong Enero 12, 2003.
Naungkat ang tunay na pagkakakilanlan ni Guo nang masangkot ito sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub sa Bamban, Tarlac. Teresa Tavares