MANILA, Philippines — Itinanggi ni Bise Presidente Sara Duterte na siya ang nasa likod ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa panawagang magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Di ko pakawala si Kiko. Isa siyang tao na mahirap kontrolin kahit sinuman. I do not control Kiko Barzaga. He is his own person, he has his own principles and own free will,” pahayag ni Duterte, na nagsabing una lamang silang nagkita sa UniTeam rally sa Cavite noong 2022.
Pinabulaanan din niya ang mga usaping may “destabilization plot,” at sinabing gawa-gawa lamang ito ng mga taong nasa pamahalaan.
Noong Linggo ng gabi, pinangunahan ni Barzaga ang isang anti-Marcos rally sa labas ng Forbes Park.
Tumanggi si Duterte na magkomento sa pagharap ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) ngunit kinuwestiyon ang kredibilidad ng komisyon. “Nagpalit lang sya ng Speaker and Senate President at binuo ang ICI pero hanggang ngayon wala pa ring nananagot,” aniya.
Hinimok din ng Bise Presidente ang gobyerno na siyasatin ang iba pang iregularidad gaya ng pagbili ng DepEd ng mga laptop, konstruksyon ng mga school building, at mga farm-to-market roads.
Nilinaw ni Duterte na hindi niya kailanman hiniling ang pagbibitiw ni Marcos ngunit tinawag niyang “betrayal of public trust” ang pagtanggi ng Pangulo na magpa-drug test.
Ibinahagi rin niya na inihahanda ng mga abogado ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang apela sa desisyon ng International Criminal Court na tumanggi sa pansamantalang paglaya nito. Nagpasalamat siya sa Senado sa pag-apruba ng resolusyong nananawagan ng house arrest para sa dating pangulo, na aniya ay “matanda, may karamdaman, at mahina na.”
Dumalo si Duterte sa pagbubukas ng isang bagong silid-aklatan sa Universidad de Zamboanga. RNT