Home METRO “Person of interests” sa pagpatay sa NIA whistleblower, tukoy na – PNP

“Person of interests” sa pagpatay sa NIA whistleblower, tukoy na – PNP

309
0

MANILA, Philippines — Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang mga “person of interest” sa pagpatay sa isang whistleblower ng National Irrigation Administration (NIA) sa Region 10, iniulat kahapon.

Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office–Northern Mindanao (PRO-10) Director Brig. Gen. Christopher Abrahano, na nagsabing kumpiyansa silang sa lalong madaling panahon ay mareresolba ang nasabing kaso.

Hindi na ibinunyag ni Abrahano ang pagkakakilanlan at bilang ng mga nasabing indibidwal habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Aniya, matagal nang may banta sa buhay ng biktima.

“Mayroong threat sa buhay ng biktima mula pa noong nakaraang taon, pero tinitingnan natin ang lahat ng anggulo,” dagdag niya.

Nakilala ang biktima bilang si Niruh Kyle Antatico, isang Juris Doctor graduate at empleyado ng NIA–Northern Mindanao, na binaril at napatay ng mga riding-in-tandem sa Barangay Patag, Cagayan de Oro, noong Oktubre 10.

“Base sa modus operandi at galaw ng mga salarin, mataas ang kumpiyansa ng mga imbestigador natin na mga gun-for-hire ito,” ani Abrahano.

Ayon pa sa opisyal, si Antatico ay umalis sa NIA-10 noong nakaraang taon at nagsimulang maglabas ng mga alegasyon sa social media hinggil sa umano’y iregularidad sa ₱75-milyong proyekto ng ahensya.

“May binanggit siya tungkol sa isang ₱75-million project na sinimulan noong panahon ng Duterte administration at natapos ipatupad nitong kasalukuyang administrasyon,” paliwanag ni Abrahano.

Naglaan na umano ang NIA ng ₱100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa paglutas ng kaso.

Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang PNP, alinsunod sa direktiba ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., upang tutukan ang kaso.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), at NIA upang masuri ang lahat ng posibleng lead.

Inatasan din ni Nartatez ang mga lokal na yunit ng pulisya na protektahan ang mga posibleng saksi o indibidwal na may kaugnayan sa mga isiniwalat ng biktima.
(Mary Anne Sapico)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here