Home NATIONWIDE Mga magsasaka na sapul ng pagbagsak ng bilihan ng palay, may tig-P10K...

Mga magsasaka na sapul ng pagbagsak ng bilihan ng palay, may tig-P10K sa gobyerno — PBBM

303
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makakukuha ng tig-P10,000 mula sa gobyerno ang mga magsasaka na nalugi dahil sa pagbagsak ng bilihan ng palay.

“Meron tayong pinaplano na tig-P10,000 na nalugi dahil sa pagbagsak ng bilihan ng palay,” ang sinabi ng Pangulo sa inagurasyon ng Union Water Impounding Dam sa Claveria, Cagayan.

Aniya, ang National Food Authority (NFA) ay bumibili rin ng palay sa mas mataas na halaga. Kasalukuyang bilihan ng wet palay ay P18 hanggang P19 per kg, at ang dry palay ay P21 hanggang P23 per kg.

Sinabi pa ng Pangulo na ang buying price ng NFA ay mas mataas ng P8 per kg kaysa inalok ng ilang rice trader.

“Kaya’t palalawakin natin ito at maglalagay din tayo doon sa mga tinamaan sa pagbaba ng presyo ng palay. Magbibigay din tayo ng direktang tulong para sa ating mga magsasaka,” aniya pa.

Winika pa ng Pangulo na palalawakin din ng gobyerno ang crop insurance coverage at magbibigay ng farm equipment upang paghusayin ang produksyon at pangkabuhayan ng mga magsasaka.

Nangako rin ang Pangulo na kagyat na tutugunan ang pagkaantala sa delivery ng farm inputs, at nangako ng napapanahong distribusyon ng binhi at iba pang tulong sa susunod na planting season.

Tiniyak din ng Chief Executive sa mga magsasaka ang pagtatayo ng karagdagang service canals, farm-to-market roads, at farm-to-market bridges upang suportahan ang agricultural development.

Aniya, committed ang administrasyon na magpatupad ng safeguard duties sa inaangkat na bigas upang makatulong na gawing matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Sa kabilang dako, inamin ng Pangulo na ang presyo ng bigas ay higit na idinidikta ng gastos ng imported rice.

“Kung mahal ang imported rice, tataas ang lahat. Pagka mura ang imported rice, bababa lahat. Medyo tumaas noong nakaraang taon pero ngayon, medyo bumababa. Pagka mag-import lang tayo nang mag-import at hindi natin ayusin ang production, ay matatamaan ang ating mga farmer,” ayon sa Chief Executive.

“Kaya’t ‘yon ay aming binabantayan at tinitingnan naming lahat ng mga farmer na nalugi. Dahil nga bumagsak ang presyo ng palay ay bibigyan natin ng tulong,” aniya pa. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here