MANILA, Philippines- Bumisita si Vice President Sara Duterte sa burol ng isang sundalong napaslang sa engkwentro sa New People’s Army.
Sa Facebook post nitong Huwebes, nagpaabot si Duterte ng pakikiramay sa pamilya ng napatay na sundalo sa Aloran, Misamis Occidental noong nakaraang linggo.
“Personal kong ipinaabot ang aking taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng nasawing sundalo na si Cpl. Rovic Jhun Boniao ng Philippine Army sa kanilang tahanan sa Aloran, Misamis Occidental noong nakaraang linggo,” pahayag ni Duterte.
“Ikinasawi ni Cpl. Boniao ang nangyaring engkwentro laban sa teroristang grupo na New People’s Army (NPA),” wika ng Bise Presidente.
“Nakakalungkot isipin na dalawang maliliit na anak ang naulila dahil sa isang giyera resulta ng baluktot na aydolohiya ng mga NPA,” dagdag niya.
Kinilala naman ni Duterte ang katapangan at serbisyo ng sundalo sa bansa.
“Ipinaabot ko sa kanyang pamilya ang aking pasasalamat sa walang katumbas na serbisyo at pagmamahal na inialay ni Cpl. Boniao para sa ating bayan,” pahayag niya.
“Ipinapaabot ko rin ang aking pakikiramay sa buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagkawala ng isang magiting na miyembro ng inyong hanay. Saludo kami sa kagitingan ni Cpl. Boniao!” RNT/SA