Home NATIONWIDE Malakanyang: PIGOs ipagbabawal ni PBBM kung..

Malakanyang: PIGOs ipagbabawal ni PBBM kung..

MANILA, Philippines- Hindi mag-aatubili si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipag-utos ang ‘total ban’ sa Philippine inland gaming operators (PIGOs) kung matutuklasan na magiging sanhi ng kahalintulad na problema na dahilan ng pagsasara ng Philippine offshore gaming operators (POGOs).

Tiniyak ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa publiko na mahigpit na naka-monitor ang gobyerno sa sitwasyon at nagsasagawa ng pag-aaral para i-assess ang epekto ng PIGOs o local online gambling sa bansa.

“As of now, napag-aralan po and may continuing study po ang ginagawa natin patungkol po sa PIGO,” ang sinabi ni Castro.

Nagsasagawa na rin ng pagkukumpara sa pagitan ng POGOs at PIGOs para madetermina kung may mga usapin na umuusbong sa huli na kahalintulad ng sa una.

“Pero as of now, lumalabas po sa pag-aaral ay hindi po ito nakakagawa ng krimen – hindi siya nagiging cause or hindi siya iyong nagiging dahilan iyong PIGO para makagawa ng krimen,” ayon pa rin kay Castro.

Tinukoy naman ni Castro ang ilang mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng POGOs at PIGOs, sabay sabing ang POGOs ay tipikal na nagha-hire ng foreign workers habang karamihan sa nagtatrabaho sa PIGOs ay mga Pilipino, may 90% ng kanilang mga trabahador ay pawang mga lokal.

Binigyang-diin ni Castro ang economic benefits ng PIGOs, sabay sabing hindi kagaya ng POGOs, mayroong mga isyu ukol sa tax compliance, ang PIGOs ay may mahalagang kontribusyon sa Philippine economy sa pamamagitan ng mga buwis at marketing expenditure sa loob ng bansa.

Gayunman, nilinaw ni Castro na kung ang PIGOs ay nakagawa na sa simula pa lamang ng mga isyu na nag-uugnay sa POGOs, hindi aniya mag-aatubili ang Pangulo na magpatupad ng total ban.

“Kung mangyayari ulit iyong nangyari sa POGO dito sa PIGO, hindi po mag-aatubili ang Pangulo na magkaroon din po nang total ban sa PIGO pero siyempre kakailanganin po natin ng data patungkol dito,” aniya pa rin.

Matatandaang Hulyo ng nakaraang taon ay naging malakas ang hiyawan sa Batasang Pambansa nang opisyal na ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa PAGCOR ang pag-ban ng mga POGO sa bansa.

Sa kanyang naging talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na naririnig nila ang malakas na hiyaw ng taumbayan pagdating sa POGO.

Aniya, kailangan nang tuluyan nang itigil ang paglalkapastangan nito sa bansa.

Kaugnay nito, inanunsyo na ng Pangulo ang pagpapatigil sa operasyon ng mga POGO.

Kasabay ng kautusan na busisiin ang baho na mayroon ang POGO, inatasan din niya ang DOLE na asistihan ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho dahil sa hakbang na ito. Kris Jose