MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na dapat maglaan ang gobyerno ng “mas malaking budget” para sa disaster risk reduction at response sa gitna ng malakas na pag-ulan at pagbaha sa lalawigan ng Cebu.
Sa pagsasalita sa mga mamamahayag sa The Hague nitong Biyernes, Hulyo 18, binigyang-diin ng opisyal ang pangangailangan para sa mabilis at epektibong pagtugon sa mga lugar sa Pilipinas na pinaka-prone sa mga sakuna.
“So, disaster prone talaga ang Pilipinas. Kaya dapat din talaga malaki yung budget natin sa disaster risk reduction and mitigation, preparedness and response,” ayon sa kaniya.
Ang Office of the Vice President (OVP), sa katunayan, ay may sariling Disaster Operations Center (DOC) maging sa mga satellite office nito sa mga probinsya.
“(May) mga tao na nakatutok sa mga emergencies and calamities na naka-devolve din yung iba doon sa mga satellite offices namin sa iba’t ibang probinsya para mas mabilis yung galaw nila,” dagdag niya.
Gayunman, ikinalungkot ni Duterte na hindi nila maabot ang maraming biktima ng kalamidad gaya ng gusto nila dahil sa kanilang limitadong badyet, at pinayuhan ang mga pribadong indibidwal na gustong tumulong na dumaan sa kanilang mga donasyon sa mga local government units at local disaster councils.
Pinayuhan din ng Bise Presidente ang mga Pilipino na maging handa laban sa mga sakuna at kalamidad, at subaybayan ang weather at flood advisories dahil may ilang lugar sa bansa na madaling bumaha dahil sa umaapaw na drainage at ilog.
“So, yun, dapat kailangan lahat ng bahay, alam nila kung ano yung mga posibleng kalamidad na kakaharapin nila,” saad niya.
“Tapos, nakahanda din yun kung ano yung gagawin nila dapat pag dumating na yung sakuna, yung emergency, yung kalamidad,” dagdag parin niya.
Inirekomenda rin ni Duterte na magkaroon ng emergency kit o tinatawag na “go-bag” ang mga kabahayan na naglalaman ng mga gamit na kailangan nila sa loob ng tatlo hanggang limang araw sakaling kailanganin nilang lumikas sa kanilang mga tahanan.
Ang habagat na pinalakas ng Tropical Storm ‘’Crising’’ ay nagdulot ng malakas na pag-ulan sa lalawigan ng Cebu, na may hanggang baywang na pagbaha sa mga mabababang barangay at pagguho ng lupa sa lungsod. RNT/MND