Home NATIONWIDE VP Sara: Katatagan, kababang-loob ng Birheng Maria, tularan!

VP Sara: Katatagan, kababang-loob ng Birheng Maria, tularan!

276
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga Pilipino na tularan ang katatagan, lakas, at kababaang-loob ni Birheng Maria upang pag-isahin ang bansa, kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Immaculate Conception ngayong Lunes.

Sa isang video statement, inalala ni Duterte ang mga birtud ni Birheng Maria at pinayuhang gamitin ang mga ito para sa kabutihan ng bansa.

“Ngayong ginugunita natin ang Kapistahan ng Immaculate Conception, pagnilayan natin ang espiritu ng katatagan na makikita sa buhay ni Birheng Maria. Ang kanyang lakas at kababaang-loob ay gumagabay sa atin upang itaguyod ang mga pagpapahalagang nagbubuklod sa ating bansa,” ani Duterte.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na magbigay ng pag-asa at suporta sa isa’t isa lalo na sa harap ng mga sakuna, alitang pampulitika, at suliraning panlipunan.

“Sa gitna ng mga sakuna, kaguluhan, at hidwaan sa lipunan, nawa’y ang pagdiriwang na ito ay magbigay inspirasyon upang magtulungan tayo at magsikap para sa kaunlaran,” dagdag niya.

Binanggit din ni Duterte na ang lakas at kababaang-loob ni Birheng Maria ay halimbawa hindi lamang sa oras ng problema, kundi pati na rin sa pagpapabuti ng bansa.

“Manatili tayong matatag sa ating paniniwala, isakatuparan ang mga gawa para sa kabutihang panlahat, at sabay-sabay tayong bumuo ng mas matatag at mahabaging Pilipinas,” sabi niya.

“Mahal natin ang Pilipinas—para sa Diyos, para sa bayan, at para sa bawat pamilyang Pilipino,” dagdag niya.

Ang Kapistahan ng Immaculate Conception ay pagdiriwang ng Simbahang Katolika na nagsasaad na si Maria, Ina ng Diyos, ay walang bahid ng orihinal na kasalanan mula sa kanyang pagkakalikha. Sa Pilipinas, ito ay ipinagdiriwang bilang special non-working holiday taun-taon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here