DAVAO CITY, Philippines – Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “isa siyang kahihiyan sa ating bansa” si Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro matapos tanungin tungkol sa alegasyon ng P2 bilyong cash deliveries sa kanya at sa kanyang pamilya.
Sinabi ni Duterte noong Setyembre 25 na hindi niya alam ang naturang alegasyon at hindi niya mapuna ang pahayag ni Castro dahil hindi niya ito napanood.
“Hindi ko napanood yung sinabi niya, so hindi ako maka-comment,” ani Duterte.
Gayunman, pinuna niya si Castro at sinabi: “But coming from Claire Castro, alam naman natin na isa siyang kahihiyan sa ating bansa.”
Naalala rin ni Duterte ang dati niyang panawagan sa media na huwag bigyan ng espasyo si Castro.
“Sabi ko nga lagi, di ba, sa mga media, huwag ninyong bigyan ng espasyo yung mga ganyan kasi nagdadala ’yan ng shame sa ating bansa,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Duterte na ipinauubaya na niya sa kanyang mga abogado ang kanyang mga legal na usapin, kabilang ang impeachment case at iba pang kaso.
“Yung mga legal na problema ko tulad ng impeachment at iba’t ibang kaso, binigay ko na sa mga abogado na para asikasuhin nila,” ani Duterte.
Sinabi niyang magtutuon siya sa kanyang trabaho sa Office of the Vice President. Nasa Davao City siya para sa mga aktibidad ng National Peace Consciousness Month, kabilang ang writeshop para sa peace-building module na maaari umanong ipatupad sa iba pang bahagi ng bansa. RNT/MDS