Home NATIONWIDE PBBM: Suporta sa MSMEs palalakasin para palawakin value chain sa Pilipinas

PBBM: Suporta sa MSMEs palalakasin para palawakin value chain sa Pilipinas

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni  Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas palalawakin pa  ang suporta ng pamahalaan sa mga lokal na manufacturer, partikular sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang mapalakas ang value chain sa bansa at mapalawak ang produksyon at trabaho.

Ito ang sinabi ng Pangulo nang bumisita nitong Sabado sa Nuvali Steel Processing Center, Inc. (NSPC) sa Laguna, isang kumpanyang gumagawa ng mga metal component at piyesa para sa mga sasakyan, accessories, at mga aluminum device.

Ang NSPC ay isa sa mga nabigyan ng Assistance to Align the Company with Industry 4.0 sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) ng Department of Science and Technology (DOST).

Ipinakita sa Pangulo ang advanced manufacturing process ng kumpanya, kabilang ang paggamit ng robotics na nakatulong sa pagpapataas ng productivity, pagpapanatili ng kalidad at pagpapabuti ng kaligtasan sa trabaho.

Sinabi ni Pangulong Marcos na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang matulungan ang mga lokal na kumpanya na makagamit ng makabagong kagamitan para makasabay sa competition sa pandaigdigang merkado.

Sinabi pa ng Pangulo na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang ganitong suporta hindi lamang para sa NSPC kundi maging sa iba pang mga kumpanya.

“Hindi na tayo kailangang mag-import ng kung anu-anong piyesa. Karamihan na ng piyesa na ginagawa para sa motorsiklo, dito na nanggagaling. And therefore, the value-added stays here,” ang pahayag ng Pangulo.

Binigyang-diin pa ng Pangulo na kapag matatag ang supply chain, mas lumalaki ang produksyon, mas maraming trabaho ang nalilikha at mas maraming produkto ang maaaring magamit ng mga lokal na manufacturer sa pag-assemble ng iba’t ibang uri ng makina.

Bukod dito, ayon sa Pangulo, mahalaga ang paggamit ng robotics at artificial intelligence (AI), kabilang sa sektor ng agrikultura.

Dagdag pa ng Pangulo, ang paggamit ng makabagong teknolohiya  ay mahalaga rin hindi lamang sa manufacturing kundi maging sa pagpapalakas ng koordinasyon at pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

“So, this is a very, very important step that we have taken in terms not only of the advancement of the technology, manufacturing technologies but also in the coordination and synchronization between government and the private sector,” dagdag pa ng Pangulo.

Itinatag noong Mayo 22, 2013, ang NSPC at naging benepisyaryo ng DOST SETUP noong 2023. Sa pamamagitan ng programa, nakakuha ang kumpanya ng dalawang Arc Welding Robots na nakatulong sa pagpapataas ng productivity, pagpapanatili ng kalidad at precision, at pagtiyak ng kaligtasan sa trabaho.

Dahil sa suporta ng pamahalaan, nakakuha rin ang kumpanya ng karagdagang mga yunit.

Bukod sa DOST SETUP, kabilang sa mga programa ng pamahalaan na tumutulong sa mga lokal na industriya na makakuha ng financing at makalipat sa smart manufacturing ang Venture Financing Program, Metals and Engineering Innovation Centers (MEICs), at Connected and Unified Autonomous Technologies with Automation and Robotics (CUATRO) Program.

Samantala, kabilang naman sa mga programa ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa MSMEs ang Shared Service Facilities Project, Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso, at MSME Business Fund. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here