Home HOME BANNER STORY VP Sara kay PBBM: Hindi kami magkaibigan

VP Sara kay PBBM: Hindi kami magkaibigan

MANILA, Philippines- Sinabi ni Vice President Sara Duterte na si Pangulong Ferdinand Marcos– ang kanyang “UniTeam” running mate sa nakaraang eleksyon– ay hindi niya naging kaibigan.

Inihayag niya ito nitong Miyerkules sa isang chance interview kasunod ng pagharap sa House of Representatives. 

“Hindi naman kasi kami talaga nagkausap n’yan, hindi kami magkaibigan unang-una. Nagkakilala lang kami dahil mag-running mate kami,” pahayag ni Vice President Duterte.

“Bago pa man kami naging running mate, hindi na kami nag-uusap. Nagkausap lang kami during campaign at saka sa trabaho noon,” dagdag ni Duterte.

“Ang kaibigan ko talaga si Senator Imee Marcos, kilala niya ako since 2012,” wika pa ng Vice President, tinutukoy ang presidential sister.  

Sinabi ni Duterte na huli niyang nakausap ang Chief Executive noong Hunyo nang magtungo siya sa Malacañang upang isumite ang kanyang resignation bilang Department of Education (DepEd) secretary. 

Opisyal siyang umalis sa Gabinete noong Hulyo 19. Mula noon, hayagan niyang binatikos ang administrasyong Marcos.

Dumalo si Duterte nitong Miyerkules sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP). 

Subalit, tumanggi siyang manumpa at umalis agad sa hearing. RNT/SA