Home NATIONWIDE VP Sara kinastigo sa pag-iwan ng napakaraming isyu sa DepEd

VP Sara kinastigo sa pag-iwan ng napakaraming isyu sa DepEd

MANILA, Philippines – Inakusahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte na nag iwan ng kanyang negatibong legacy sa Department of Education (DepEd) dahil sa mga “unresolved issues.”

Sa briefing ng House Committtee on Appropriations sa panukalang P793.18-billion budget ng DepEd, sinabi ni Castro na tambak ng trabaho ang repormang kailangan gawin ni Education Secretary Sonny Angara dala ng mahinang palakad ni Duterte.

Si VP Sara ay matatandaang nagbitiw sa Deped noong Hulyo 19, 2024.

“Nakakalungkot po, medyo iniwanan siya ng maraming problema ni Vice President Sara Duterte,” ani Castro.

Sinabi ni Castro na isa sa malaking problema ng DepEd ay ang pagpapatupad ng Matatag Curriculum na dagdag pahirap lamang sa mga guro na may 7 hanggang 8 subjects kada araw at 45 minuto bawat subjects.

“Iniwanan kayo ng nakaraang administration ng ganitong problema, ngayon ‘yung mga teachers talaga natin problematic dito, sobrang pahirap itong MATATAG curriculum,” pahayag nito.

Isa pa, tinukoy nitong krisis sa Depd ay ang hindi naipatupad na Computerization Program (DCP) kung saan walang natanggap na laptop at iba pang gamit ang mga guro at estudyante.

Ang hindi pagbabayad ng DepEd ng remittance na aabot sa P5 billion para sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Pag-IBIG Fund.

Nabatid sa COA report na hindi nakapagremit ang DepEd ng P1.3 billion sa BIR, P3.1 billion sa GSIS, P503 million sa PhilHealth at P182 million sa Pag-IBIG.

“Mahalaga po itong GSIS dahil pag na-late ang remittance ng premium loan sa GSIS, ang tatamaan ng mga interests ay ang mga teachers o ang mga non-teaching personnel,” ani Castro.

Sa nasabing budget hearing tiniyak nan ni Angara na tutugunan ng ahensya ang COA observations at uunahin ang pagremit by premiums at pagresola sa iayu ng Matatag curriculum. Gail Mendoza