MANILA, Philippines – Tinanggihan ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga saad siya ay isang “complete failure” bilang kalihim ng Edukasyon, sinabi na ang mga pagtatangka ni Pangulong Marcos na hikayatin siya na manatili sa Gabinete ay nagpapatunay na iba.
Sinabi ito ni Duterte matapos ilarawan ni Communications Undersecretary Claire Castro ang panunungkulan ng Bise Presidente sa Department of Education (DepEd) bilang isang “complete failure” kasunod ng kanyang mga pahayag na ang bansa ay nasa “paper and pencil” stage pa lamang kumpara sa modernized systems abroad.
Sa isang panayam sa media sa The Hague, Netherlands, noong Miyerkules, Agosto 20, ikinuwento ng Bise Presidente kung paano siya sinubukang hikayatin ni Marcos na manatili sa Gabinete nang ibigay nito ang kanyang irrevocable resignation noong Hunyo 2024.
“Nung binasa na niya, ang sabi niya, ‘Why? Why?,” aniya.
Ayon kay Duterte, hinimok siya ng Pangulo na manatili, nag-alok ng panibagong posisyon sa gobyerno, at tinanong pa kung maaari siyang tumulong sa 2025 midterm elections.
“Action yun ng taong tumitingin na kailangan niya yung trabaho ko,” ani pa niya.
“So, clearly, lahat nung attempts niya to make me reconsider my resignation… hindi yun actions ng taong tumitingin as failure ako,” dagdag niya.
Samantala, dinepensahan ng Bise Presidente ang kanyang pahayag na nananatili ang Pilipinas sa likod ng ibang bansa sa edukasyon.
“Unang-una, masabi ko yun na we are truly behind sa education system natin compared to more developed countries around the world. And that is true,” aniya.
“Saan ba tayo magsisimula mag-isip ng mga solusyon kung hindi natin tanggapin na mayroong problema yung bayan?,” ani pa niya.
“So dapat siguro walang magalit,” dagdag niya.
Pormal na nagbitiw si Bise Presidente Duterte bilang kalihim ng edukasyon noong Hunyo 2024, wala pang dalawang taon sa kanyang termino, na binanggit ang mga personal at politikal na dahilan. RNT/MND