Home METRO P151.5-M dikeng natapos noong 2024 sa Bulacan, isinailalim sa repair

P151.5-M dikeng natapos noong 2024 sa Bulacan, isinailalim sa repair

320
0

BULACAN, Philippines – Isang proyektong dike sa Balagtas, Bulacan na nagkakahalaga ng P151.5 milyon ang isinasailalim sa pagkukumpuni kahit na ito ay natapos lamang noong nakaraang taon.

Ayon sa ulat ang flood control structure na umaabot sa mahigit 200 metro sa mga barangay San Juan, Wawa at Panginay ay itinuturing na pinakamahal na proyekto sa lalawigan.

Bagama’t idineklara itong natapos noong Setyembre 2024 ayon sa website ng Sumbong sa Pangulo, ang ilang bahagi ng dike ay sumasailalim sa pagsasaayos.

Ang dike ay pinalalakas ng mga sako na puno ng graba at nilagyan ng konkreto. Samantala, patuloy na dumarating ang mga trak na puno ng mga materyales, idinagdag ng ulat.

Ang Bulacan ay tinaguriang ika-anim na lalawigang madaling bahain sa bansa. Gayunpaman, mayroon din itong pinakamalaking bahagi sa badyet para sa pagkontrol sa baha, sabi ng ulat.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang Bulacan ng P43.7 bilyon para sa 668 na proyekto mula sa humigit-kumulang P547 bilyong budget na inilaan para sa 9,855 flood control projects sa buong bansa.

Ang lungsod ng Baliwag ang may pinakamataas na bilang at kabuuang halaga ng flood control projects sa lalawigan na may P5,826,933,748.21 para sa 85 na proyekto. Ito ay sa kabila ng ika-siyam na lugar na may pinakamaraming baha sa Bulacan.

Kabilang sa mga pinakamahal na proyekto sa Baliwag ay ang P96.49-million Riverbank Protection Structure sa Barangay Sulivan na naiulat na natapos noong Setyembre 2024, kahit saad ng mga residente na hindi naman bahain ang kanilang lugar. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here