Home NATIONWIDE VP Sara naghahanda sa posibleng bagong impeachment complaint

VP Sara naghahanda sa posibleng bagong impeachment complaint

199
0

MANILA, Philippines – PATULOY na naghahanda ang mga abogado Vice President Sara Duterte para sa posibleng paghahain ng bagong impeachment complaint laban sa kanya kahit pa pinagtibay ng Korte Suprema sa 2025 ruling nito na ang nasabing reklamo ay labag sa konstitusyon.

“Hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa naman ‘yung mga abogado and legal team. And nung nakaraang taon, bago mag-Christmas break, ay napag-usapan din namin ‘yung paghahanda sa impeachment,” ayon kay VP Sara sa isang panayam.

“Hindi lang ngayong taon na ito. Dahil sigurado kapag hindi sila nakapag-file ngayong taon, susunod na taon at hanggang matapos ang aking termino, ay ganoon ang gagawin nila, magpa-file sila ng kaso, impeachment man o hindi,” aniya pa rin.

Nauna rito, napaulat na pinagtibay ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, ayon kay court spokesperson Atty. Camille Ting.

“By a unanimous vote of all those participating, the SC En Banc denied with finality the motion for reconsideration filed by the House of Representatives which sought to reverse the decision… that declared the Articles of Impeachment against Vice President Sara Duterte as unconstitutional,” pahayag ni Ting.

“It affirmed that the fourth impeachment complaint transmitted to the Senate on February 5, 2025 was already barred by the Article XI, Section 3, Subsection 5 of the Constitution,” dagdag niya.

Ipinahayag ang resolusyon nitong Miyerkules, Enero 28.

Sinabi ni Ting na naka-leave si Associate Justice Maria Filomena Singh, habang hindi naman lumahok sa botohan si Associate Justice Benjamin Caguio.

Ayon sa tagapagsalita, agad na ipatutupad ang resolusyon sa sandaling maihatid ito sa lahat ng partido.

“No further pleadings will be allowed,” dagdag niya.

Noong Hulyo 2025, nagkakaisang nagpasya ang mga mahistrado ng SC na saklaw na ng one-year rule ang Articles of Impeachment sa ilalim ng Article XI Section 3 paragraph 5 ng Konstitusyon.

Kasama sa desisyon ng mga mahistrado na nilabag sa mga artikulo ang right to due process ni VP Sara.

Matatandaang tatlong reklamong impeachment ang inihain laban kay Duterte noong Disyembre 2024, na pawang may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Ang ikaapat na reklamong impeachment ang inendorso ng mahigit na one-third ng mga mambabatas mula sa Kamara de Representantes, na ipinadala na sa Senado kalaunan bilang Articles of Impeachment.

Pagkaraan nito, naghain ang Kamara ng mosyon para sa baligtarin ang desisyon, at iginiit na ang pag-archive ng unang tatlong reklamo ay ginawa matapos maipadala ang ikaapat na reklamo, kaya hindi umano nagsimula ang one-year ban.

“Pasasalamat ko ay sa mga abogado na nagtulong-tulong para kwestyunin ‘yung pag-abuso ng proseso ng impeachment ng House of Representatives,” ayon kay VP Sara.

Binanggit din niya na hindi niya sinabi sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang impeachment complaint laban sa kanya.

“Kanina, hindi ko na binanggit sa kanya ‘yung denial ng motion for reconsideration doon sa kaso dahil ayaw ko na pag-usapan ‘yung impeachment. Mas mabuting pag-usapan ang mga bagay na mas may relevance sa buhay natin at sa bayan kaysa doon sa impeachment,” aniya pa rin. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here